Nagliliyab pa mula sa kanilang matagumpay na kampanya sa M4 World Championship, susubukan naman ng ECHO na pagharian ang SIBOL Mobile Legends: Bang Bang National Team Selection at maging kinatawan ng Pilipinas sa Southeast Asian Games 2023.
Kabilang ang reigning world champion team sa apat na koponan na direktang inimbitahan ng SIBOL upang makipaglaban para sa karapatang depensahan ang korona ng bansa sa darating na SEA Games na nakatakdang ganapin mula ika-5 hanggang ika-17 ng Mayo sa Cambodia.
Nakatakdang isagawa ang SIBOL MLBB SEA Games qualifier sa ika-21 at ika-22 ng Enero.
Ang lineup ng ECHO para sa SIBOL MLBB SEA Games 2023 National Team Selection
- Karl “KarlTzy” Nepomuceno (jungler)
- Benedict “Bennyqt” Gonzales (gold laner)
- Tristan “Yawi” Cabrera (roamer)
- Sanford “Sanford” Vinuya (EXP laner)
- Alston “Sanji” Pabico (mid laner)
Muling makakaharap ng Purple Orcas ang M3 champion at M4 finalist Blacklist International, na winalis nila para maselyo ang world title sa Jakarta, Indonesia.
Kakaanunsyo lang din ng Blacklist ng kanilang roster para sa SIBOL MLBB qualifier na binubuo nila MV3 Salic “Hadji” Imam, Edward “EDWARD” Dapadap at Kiel “OHEB” Soriano kasangga sina dating Nexplay EVOS star Renejay “RENEJAY” Barcase at amateur standout Ian Jakob “Rindo” Seguiran
Kasama rin sa mga imbitadong koponan ang kampeon ng Center for Collegiate Esports (CCE) na Lyceum of the Philippines University Pirate Esports at ang kinatawan ng realme Cup.
Samantala, susubukan ng natatanging 2-time world champion player na si KarlTzy na imaniobra ang ECHO Express patungo sa SEA Games para sa tsansang makagawa muli ng kasaysayan sa pamamagitan ng pagsungkit ng ikalawang gintong medalya.
Matatandaang bahagi ang 18-year-old jungler ng SIBOL all-star squad na pinataob ang Indonesia sa finals at pinangibabawan ang kauna-unahang MLBB tournament sa SEA Games na isinagawa sa Pilipinas noong 2019.
Ikalawang ginto rin ang tatargetin ni Hadji na tinulungan ang Blacklist International-backed SIBOL na panatilihin ang titulo laban pa rin sa pangunahing karibal na Indonesia sa SEAG noong nakaraang taon sa Vietnam.
Para sa karagdagang balita sa esports at guides sa mga paborito niyong laro, i-like at i-follow ang ONE Esports Philippines sa Facebook.