Sasandalan pa rin ng ECHO ang kanilang main five na pinagharian ang M4 World Championship at handa na silang sumabak sa Mobile Legends: Bang Bang Professional League Philippines (MPL PH) Season 11.
Papaandarin nila two-time world champion Karl “KarlTzy” Nepomuceno, M4 Finals MVP Benedict “Bennyqt” Gonzales, Tristan “Yawi” Cabrera, Sanford “Sanford” Vinuya at Alston “Sanji” Pabico ang tinaguriang “ECHO Express” sa panibagong season.
Idinagdag naman sa Purple Orcas ang content creator ng koponan na si Jian “Jian” Magtibay matapos ilagay sina M4 subs Jaypee “Jaypee” Dela Cruz at Jankurt “KurtTzy” Matira sa kanilang MDL Philippines Season 1 team.
Target ng ECHO ang unang MPL title sa Season 11
Susubukang panatilihin ng kasalukuyang world champions ang kanilang nagbabagang momentum mula sa pinakaprestihiyosong torneo patungo sa pinakamalaking liga ng Mobile Legends sa bansa.
Siguradong aasamin ng koponang ginagabayan ni head coach Archie “Tictac” Reyes at assistant coach Robert “Trebor” Sanchez na makamit ang kauna-unahang MPL title ng organisasyon sa ilalim ng bandera ng ECHO.
Nakalapit ang Orcas sa MPL crown noong nakaraang season kung saan nagtapos sila bilang runner-up sa likod ng Blacklist International. Matapos mawalis ng Blacklist sa upper bracket finals, pinataob nila ang RSG PH sa lower bracket ngunit kinapos muli kontra Codebreakers sa grand finals sa iskor na 2-4.
Kumpletong lineup ng ECHO para sa MPL PH Season 11
- Karl “KarlTzy” Nepomuceno (Jungler)
- Benedict “Bennyqt” Gonzales (Gold laner)
- Tristan “Yawi” Cabrera (Roamer)
- Sanford “Sanford” Vinuya (EXP laner)
- Alston “Sanji” Pabico (Mid laner)
- Jian “Jian” Magtibay (Gold laner)
- Archie “Tictac” Reyes (Head coach)
- Robert “Trebor” Sanchez (Assistant coach)
Muling magbabanggaan ang ECHO at Blacklist International sa unang serye ng MPL PH S11 na magbubukas sa ika-17 ng Pebrero.
Para sa karagdagang balita sa esports at guides sa mga paborito niyong laro, i-like at i-follow ang ONE Esports Philippines sa Facebook.