Kinoronahan ang ECHO bilang kampeon ng M4 World Championship. Pinatunayan nila ang kanilang tibay at lakas sa kabuuan ng tournament at walang halong pagdududa nilang nakuha ang Mobile Legends: Bang Bang world title.

Sa kanilang pagtalo sa defending champion na Blacklist International sa score na 4-0, tila nagawa na ng mga Orcas na i-break ang code.

Ito ang unang world championship title ng ECHO, at ikalawang beses naman para kay Karl “KarlTzy” Nepomuceno na itaas ang tropeyo ng M-Series upang maging kauna-unahang 2-time MLBB world champion.

Bukod sa karangalan na kasama ng titulo bilang pinakamahusay na MLBB team sa buong mundo, makukuha din ng ECHO ang malaking bahagi ng prize pool ng M4.

Ang mga kampeon ay mag-uuwi ng US$300,000 mula sa US$800,000 prize pool – pero paano planong gastusin ng mga players ang ganito kalaking halaga? Alamin natin.


Narito ang ilan sa mga balak ng mga ECHO players sa kanilang M4 prize money

Credit: Moonton

Matapos ang kanilang panalo, tinanong ng ONE Esports ang mga players ng ECHO at si coach Harold “Tictac” Reyes kung ano ang gagawin nila sa kanilang prize money.

Karamihan sa mga players ang umamin na hindi pa nila ito napag-iisipan, patunay na mas inuuna ng mga kampeon na ito ang karangalan at kanilang pagmamahal sa laro.

Sabi ni Sanford “Sanford” Vinuya, “Wala talaga kong pake sa prize money. Masaya akong natupad ko ang pangarap kong maging world champion.”

Nagdagdag siya ng detalye sa kanyang sagot sa isang eksklusibong panayam ng ONE Esports.

“Baka bumili ako ng mga bagay na hindi ko kelangan pero magpapasaysa sa’kin,” paliwanag ng boy wonder.

ECHO M4 winning moment
Credit: ONE Esports

Sabi naman ni Benedict “BennyQT” Gonzales, “Hindi ko pa alam dahil hindi pa rin ako makapaniwalang nanalo kami sa M4.”

“Ibibigay ko yung ibang pera sa mga magulang ko para magamit pampatayo ng bahay namin. Yung iba, gagamitin ko para sa sarili ko,” sagot ni Tristan “Yawi” Cabrera.

“Sa ngayon, gusto ko lang kumain,” seryosong tugon ni Alston “Sanji” Pabico.

Para naman sa two-time world champion na si KarlTzy, “Hindi ko pa alam, gusto ko lang muna mag-relax at pakalmahin ang sarili ko sa ngayon.”

Mas praktikal naman ang naging kasagutan ni Coach Tictac, determinado siyang mag-invest sa negosyo.

ECHO Sanji M4 prize money
Credit: ONE Esports

Para sa iba pang balita tungkol sa gaming at esports, i-like at i-follow ang ONE Esports Philippines sa Facebook.