Kinailangang pagpawisan ng ECHO sa pagsunggab ng kanilang ikatlong panalo sa Mobile Legends: Bang Bang Professional League Philippines (MPL PH) Season 11.
Nadungisan ang malinis na kartada ng M4 world champions nang malasap nila ang unang game defeat sa kamay ng mapanganib na ONIC PH. Sa kabila nito, nagawa pa rin nilang manaig sa serye, 2-1, sa Week 2 Day 2 ng liga.
Bukod sa sinabi niya sa interview na sanay din silang dumepensa at hindi lang puro opensa, inamin din ni star gold laner Benedict “Bennyqt” Gonzales na may mahalaga silang natutunan para sa kanilang kampanya na masungkit ang unang titulo sa MPL PH.
Ang aral na napulot ng ECHO laban sa ONIC PH sa MPL PH S11 Week 2, ayon kay Bennyqt
Sa post-match press conference, inilahad ng M4 World Championship Finals MVP kung ano ang napagtanto nila sa napakadikit na sagupaan laban sa ONIC PH.
“Para sa’min po, kahit nag-champion na kami sa worlds, ‘di kami pwedeng mag-stop. Katulad ng laban sa ONIC, isa ‘yan sa mga examples na lahat talaga ng teams gustong humabol,” wika niya.
“Lahat talaga sila gusto kaming talunin.”
Kitang-kita sa serye na talagang pinaghandaan ng ONIC PH ang ECHO, lalo pa’t ganado rin silang makabawi sa 0-2 pagkatalo sa RSG Slate PH noong nakaraang linggo. Naipuwersa ng Yellow Hedgehogs ang deciding Game 3 kung saan makailang-ulit naungusan ni Stephen “Sensui” Castillo si 2-time world champ Karl “KarlTzy” Nepomuceno pagdatingan sa retrihan sa Lord.
Pero sa huli, ipinakita ng Purple Orcas ang mentalidad ng mga kampeon at nagawang siguruhin ni KarlTzy ang Evolved Lord para iselyo ang panalo.
Bagamat nalampasan nila ang pinakamalaking hamon na hinarap nila sa ngayon sa MPL PH S11, idiniin ni Bennyqt na dapat pa rin nilang ipagpatuloy ang pagpapalakas ng kanilang laro.
“Hangga’t nagpapraktis sila, magpapraktis din kami. So, pataas lang kami nang pataas.”
Target ng ECHO na panatilihin ang kanilang dominasyon sa liga laban sa TNC at Nexplay EVOS sa susunod na linggo.
Para sa karagdagang esports balita, guides, at highlights, i-follow lang ang ONE Esports Philippines sa Facebook.