Isang matalinong pagpugak lamang ang kinailangan ng ECHO para sipain pababa ng Lower Bracket ang defending champions RSG Philippines sa semifinal round ng MPL Philippines Season 10 Playoffs.
Sa game four ng upper bracket dikdikan, nahanap ng Orcas ang brilyanteng cross-map play kung saan pinagtulungan nina Sanford “Sanford” Vinuya (Uranus) at Benedict “Bennyqt” Gonzales (Beatrix) basagin ang top lane habang abala ang RSG PH members sa pagkuha ng Lord objective.
Sinubukang agapan ng Raiders ang tulak sa pagpapadala sa Pharsa ni Arvie “Aqua” Antonio ngunit huli na ang lahat matapos ma-burst down ang Bruno ni Eman “EMANN” Sangco na nauna ng nagtangka na dumepensa.
Nakuha ng ECHO ang mahalagang 3-1 panalo para maselyo ang unang spot sa upper bracket finals.
ECHO kinuyog ang RSG PH, inilista ang 3-1 para umangat sa UB Finals
Hindi nagpatumpik-tumpik ang ECHO na nanatiling disiplinado sa harap ng matikas na katunggali. Bagamat halinhinan ang bakbakan sa unang mapa ay mas nanaig ang Orcas sa objective-centered play sa likod ng Akai ni Karl “KarlTzy” Nepomuceno na nagtala ng disenteng 1/2/9 KDA para sa MVP gantimpala.
Bumangko ang ECHO sa momentum mula sa game one tagumpay para isalang ang maaksyong game two kung saan si Bennyqt naman ang kumamada para sa team. Lusaw ang Raiders sa sandamukal na Physical Damage ng kaniyang Bruno na hindi man lang nagalusan sa kabuuan ng laro.
Pumako ng perpektong 10/0/3 KDA si Bagyong Benny katuwang ng halos 100k damage dealt sa larong tumagal ng 24 minutos.
Hindi naman pinayagan ng RSG PH na makumpleto ng kalaban ang sweep. Ito ay matapos ipakita ni Nathanael “Nathzz” Estrologo ang buong-lakas ng kaniyang Esmeralda na muli’t-muling bumugaw sa Orcas para bigyang-daan ang objective-takes ng kaniyang hanay.
Halimaw na 6/3/17 KDA at 92% Kill Participation ang iniambag ng MSC 2022 Most Valuable Player para ilista ang unang tagumpay ng RSG PH.
Lingid sa kaaalaman ng koponan ni Brian “Coach Panda” Lim na ito na pala ang huli nilang buhay matapos pagulungin ng ECHO ang henyong play sa top lane sa nagsilbing closer ng serye. Uranus ni Sanford ang hinirang na MVP sa game four matapos pangunahan ang nasabing push, katuwang ng 2/1/3 KDA at 100% Kill Participation.
Sa tagumpay, makukuha ng ECHO ang tiket sa Upper Bracket Finals at makakaharap ang mananalo sa pagitan ng Blacklist International at BREN Esports.
Manatiling naka-antabay sa pinakahuli tungkol sa MPL PH sa pamamagitan ng pag-like at pag-follow sa ONE Esports Philippines sa Facebook.