Lumabas ang “KarlTusok” na anyo ni Karl “KarlTzy” Nepomuceno sa 2-1 reverse sweep ng ECHO kontra ONIC PH sa panapos na serye sa ikalimang linggo ng Mobile Legends: Bang Bang Professional League Philippines Season 10 (MPL PH S10).
Ginamit ng 18-year-old star jungler ang Ling at kanyang world championship Lancelot upang makalangoy ang Orcas sa kanilang ikalawang sunod na panalo at pabagsakin naman ang Yellow Hedgehogs sa 3-match losing streak sa pagsasara ng Week 5.
Bagamat naikakabit na rin ang salitang “tusok” sa ibang mga manlalaro partikular na kay rookie jungler Klye “KyleTzy” Sayson ng Bren Esports, may nais umanong patunayan si KarlTzy sa paggamit ng assassins lalo na sa hero na nagpakilala sa kanya sa mundo ng MLBB esports.
Ling at Lancelot ni KarlTzy pinangunahan ang panalo ng ECHO kontra ONIC PH
Tunay ngang matalas pa rin si KarlTzy sa paglalaro ng Ling at Lancelot. Naiwasan ng ECHO na mawalis ng ONIC PH dahil sa matinik na Ling ng ace jungler na pinangunahan ang agresibong atake ng Orcas sa Game 2.
Kumana siya ng perpektong 3/0/4 KDA sa likod ng halos 30K damage at nasiguro ang lahat ng objectives para sa ECHO patungo sa dominanteng 10-4 panalo sa loob ng 15 minuto.
Hawak naman ang kanyang respetadong Lancelot sa decider, dinikta ni KarlTzy ang kalkuladong opensiba ng ECHO. Sa bakbakan para sa unang Lord, sabay na pinatay ng jungler si ONIC PH captain Ralph “Rapidoot” Adrales (Khufra) at ang naturang objective sa pamamagitan ng pulidong Thorned Rose at Retribution.
Mula dito ay umarangkada na ang Orcas papunta sa 14-minute victory na may 7-4 kill score kung saan hindi na naman napatumba si KarlTzy. Nakapagtala pa nga siya ng 3 kills at 3 assists para sa 86% kill participation at bumitaw ng higit 26K damage.
“Okay lang naman po sa’kin (kahit na may iba pang pinaggamitan ng “tusok” moniker) pero papakitaan ko pa rin po sila,” wika ng dating Bren star player sa post-match interview.
“‘Di pa kinakalawang,” dagdag pa niya patungkol sa paggamit ng dalawang assassin sa panalo.
Makakaharap nila KarlTzy at ECHO sina KyleTzy at Bren Esports sa unang araw ng Week 6. Samantala, susubukang arestuhin ng ONIC PH ang skid laban sa Nexplay EVOS sa ikalawang araw.
Sundan ang mga kaganapan sa MPL PH Season 10 sa pamamagitan ng pag-like at pag-follow sa Facebook page ng ONE Esports Philippines.