Hindi nabahiran ng pagkatalo ang naghaharing world champion na ECHO sa unang linggo ng kanilang kampanya sa Mobile Legends: Bang Bang Philippines (MPL PH) Season 11.
Isang araw pagkatapos walisin ang Blacklist International, ikinasa ng Purple Orcas ang kanilang ikalawang malinis na panalo matapos iligpit ang Bren Esports, 2-0, sa bwena manong serye ng ikalawang araw ng liga.
Gumawa ng malupit na backdoor play si EXP laner Sanford “Sanford” Vinuya para iselyo ang Game 1 bago tuluyang sagasaan ng “ECHO Express” ang “The Hive” sa pamamagitan ng dominanteng tagumpay sa Game 2.
Sa post-match interview, ibinahagi ni assistant coach Robert “Trebor” Sanchez kung bakit ganado ang world champs na patumbahin ang Bren Esports.
Ang rason kung bakit gigil ang ECHO na talunin ang Bren Esports sa MPL PH Season 11 W1D2, ayon kay Coach Trebor
Paglalahad ni Coach Trebor, may hugot ang ECHO sa kanilang serye laban sa Bren Esports dahil sa nangyari noong SIBOL MLBB Southeast Asian Games 2023 national team selection noong nakaraang buwan.
Matatandaang pinadapa ng Bees ang Orcas sa iskor na 2-1 sa top 4 ng SIBOL qualifiers, na naganap ilang araw lang matapos pagharian ng ECHO ang M4 World Championship.
“Inisip din namin na babalikan namin sila, na ready kami ngayong araw para ‘di kami mapahiya sa laban,” saad ni Coach Trebor.
Ayon din sa dating pro player, ninais nilang magpahinga at magdiwang noon pagkagaling sa kanilang nakakapagod na kampanya sa Jakarta, Indonesia.
“Siguro pagod lang kami noong time na ‘yun. ‘Di kami makapag-isip ng maayos. Tapos ‘di rin kami sama-sama kasi nag-celebrate kami, yung bawat isa noong araw na ‘yun kaya siguro dahil dun natalo kami,” saad niya.
“‘Di naman dahilan ‘yun para ‘di kami magsama-sama. Ginusto rin namin ‘yun para makapag-enjoy ang bawat isa kasi galing sa M4.”
Para naman kay head coach Archie “Tictac” Reyes, hindi naman sila nagpapadala kay Bren Esports coach Francis “Duckeyyy” Glindro ng statement gamit ang panalo.
Nagpasya kasi si M2 world champion coach Duckeyyy na buuin ng Bren kasama si Nowee “Ryota” Macasa ng ONIC PH ang SIBOL MLBB para sa SEA Games na gaganapin sa Mayo sa Cambodia.
“‘Di naman namin iniisip ‘yung mga ganung bagay. Basta laro lang kami,” ani ni Coach Tictac.
Para sa karagdagang esports balita, guides, at highlights, i-follow lang ang ONE Esports Philippines sa Facebook.