Kilala sa taguring “Bagyong Benny”, handang-handa na si ECHO gold laner Benedict “Bennyqt” Gonzales na manalasa sa darating na M4 World Championship sa Jakarta, Indonesia.
Ito ang magiging unang sabak ni Bennyqt sa M Series, kaya naman damang-dama ang gigil ng beteranong manlalaro na magpasiklab sa pinakaprestihiyosong torneo ng Mobile Legends: Bang Bang, ayon kay ECHO assistant coach Robert “Trebor” Sanchez.
Ang palagay ni Coach Trebor kay Bennyqt kaugnay ng pagsabak nila sa M4
Noong MPL Philippines Season 6, kamuntikan nang maka-qualify sina Bennyqt, Joshua “Ch4knu” Mangilog, Patrick “E2MAX” Caidic, Jaylord “Hate” Gonzales, Jeff “S4gitnu” Subang at Billy “Z4pnu” Alfonso bilang parte ng Execration sa M2.
Pinadapa nila ang Cignal Ultra sa mahigpit na serye sa unang round ng single-elimination playoffs, ngunit tinalo sila ng Smart Omega sa semifinals. Sa huli, lumapag sila sa 3rd place at kinapos na makapasok sa pandaigdigang kompetisyon.
Nang malipat sa Aura na kalauna’y naging ECHO, nanatili si Benny bilang isa sa mga pinakamatinik na manlalaro sa liga. Matapos ang apat na seasons, nagbunga ang kanyang sigasig at natupad ang pangarap na makatapak sa world championship.
Sa eksklusibong panayam ng ONE Esports, inilahad ni Coach Trebor ang kanyang palagay kay Bennyqt kaugnay ng pagsabak nila sa nalalapit na M4.
“Ang tingin ko kay Benny, M4-ready na rin siya eh kasi sobrang sipag niya rin talagang maglaro. Gusto niya rin talagang mag-champion ngayong season sa M4,” sabi ng ex-MPL player.
“Talagang pinangarap niya ‘to kasi ‘di siya nakapunta sa (ibang torneo ng M Series) kaya pinag-iigihan niya talaga maglaro,” dagdag niya.
Kita naman sa performance ni Bennyqt sa nakalipas na MPL PH Season 10 ang kanyang matinding kagustuhan na makatuntong sa M4.
Naglista siya ng 144 kills at 5.13 KDA, mga numerong pasok sa top 5 ng liga sa mga nasabing statistics. Isa sa mga naging susi ang kanyang consistent na laro para maging kinatawan ng Pilipinas ang Orcas sa paparating na torneo sa Indonesia.
Naniniwala naman si Coach Trebor na mas matindi pa ang hagupit ni “Bagyong Benny” pagsapit ng mga bakbakan laban sa mga koponan mula sa ibang bansa.
“Tingin ko, sobrang magwawala ‘to si Benny sa M4.”
I-like at i-follow ang ONE Esports Philippines sa Facebook para sa Mobile Legends news, guides at updates.