Matagal-tagal na ring nakikipagsapalaran si ECHO star gold laner Benedict “Bennyqt” Gonzales sa professional scene ng Mobile Legends: Bang Bang.
Anim na seasons siyang nakipagsagupaan sa MPL Philippines kasama ang Execration at Aura PH (kalaunan naging ECHO) bago makamit ang pangarap na makatuntong sa M Series sa kauna-unahang pagkakataon sa kanyang makulay na karera.
Kaya ngayong sumasabak siya sa M4 World Championship sa Jakarta, Indonesia, hindi pinapalagpas ni Bennyqt ang bawat pagkakataon na magpasiklab sa mga laban.
Ang mentalidad ni Bennyqt sa M4 World Championship
Inilahad ng 21-year-old pro ang saya na nararamdaman niya ngayong kasali siya sa M4 at may tsansa pa silang agawin ang world title mula sa Blacklist International matapos nilang padapain ang RRQ Hoshi, 3-1, para makapasok sa grand finals.
“Masaya po dahil ‘pag naaalala ko po ‘yung mga times na nagsisimula pa lang, ‘yung times na almost walang kumukuha sa’kin sa pro team noon. Umiiyak ako sa bahay nang walang dahilan kasi gusto ko talagang mag-pro,” kuwento niya sa eksklusibong interbyu ng ONE Esports.
“Kaya po parang nao-overwhelm lang ako ngayon nang sobra kasi ayun malayo na rin ang narating ko and M4 finals pa,” dagdag pa ng beteranong player, na muntik nang makapasok noon sa M2 kasama ang Execration.
Sa M4, maraming kapwa pro players na itinuturing si Bennyqt bilang pinakamalakas na gold laner sa ngayon. Pero para sa kanya, may gusto siyang patunayan kaya ganoon na lamang ang pinapakita niyang lakas.
“Nakakatuwa rin naman somehow kahit ‘di ko naman siya talaga ina-admit. Pero kasi from Season 9 tinatawag nila ako na ‘di ako marunong mag-marksman kaya masaya lang din ako sa sarili ko dahil alam ko naman po noong mga time na ‘yun na kaya ko talagang mag-marksman, ‘di ko lang napapakita. So, ayun pinapakita ko ngayon.”
Ibinahagi rin ni “Bagyong Benny” ang mentalidad na tangan-tangan niya sa pinakamalaking torneo sa kanyang buhay.
“Ang naging preparation ko po almost the same din naman po sa mga previous MPL seasons. Pero this time po kasi pinasok ko po talaga sa isip ko na minsan lang ako mag-e-M4. ‘Di ko alam kung sa susunod makakapasok pa ko,” wika niya.
“Kumbaga, once in a lifetime opportunity so binibigay ko talaga lahat. Kaya sinabi ko sa sarili ko na mas ibibigay ko pa kung ano ‘yung kapasidad ko sa MPL.”
Haharapin nila Bennyqt at ECHO ang reigning world champion na Blacklist International sa isang kaabang-abang na rematch sa grand finals ng M4. Gaganapin ito mamayang 6:30 ng gabi, oras sa Pilipinas.
I-like at i-follow ang ONE Esports Philippines sa Facebook para sa mga istorya patungkol sa M4 at MLBB.