Nagsimula nang bumaling sa tamang direksyon ang Smart Omega matapos walisin ang TNC Pro Team ML sa kanilang duwelo sa Week 4 ng gumugulong na MPL Philippines Season 11. Sa proseso, nagawa ng koponan ni Patrick “E2MAX” Caidic na maputol ang three-game losing streak at makabalik sa kontensyon sa darating na playoffs.
Sa post-match interview kasama si Mara Aquino, hindi itinago ng dating kapitan at ngayon ay assistant coach ng Omega na pumasok sa isipan niyang maglaro na lang muli para sa kaniyang team nang pagdaanan ang mala-delubyong pagsisimula sa regular season.
Ngunit paglilinaw niya, hindi ito para palitan ang players na kasulukuyang naglalaro para sa hanay ng Barangay.
E2MAX inaming gusto maglaro muli ngunit nanatiling tiwala sa kakayahan ng kaniyang players
“Siyempre namimiss ko pa rin maglaro,” ang madaling tugon ni E2MAX nang tanungin siya kung sumagi sa kaniyang isipan na isuot muli ang uniporme ng Smart Omega bilang player, ang parehong team na dinala niya sa kampeonato ng MSC 2021.
Ngunit pagtutuloy ng assistant coach, “Pero yung maglalaro para palitan yung mga players, hindi ko yun naisip kasi nilagay namen sila sa posisyon na ‘yan kase naniniwala kami na kaya nilang laruin eh.”
Nananatili daw siyang tiwala sa kakayahan ng kaniyang manlalaro partikular na sina Dale “Stowm” Vidor na pumalit sa kaniya bilang midlaner, gayundin kay Mico “Mikko” Tabangay na kasalukuyang pinupuno ang puwang na iniwan ng star roamer na si Joshua “Ch4knu” Mangilog.
Ang nag-uudyok daw kay E2MAX sa kagustuhang maglaro muli ay ang kabang nararamdaman bilang manonood.
“Minsan namimiss ko lang din talaga maglaro para lang mawala yung kaba ko kapag nanonood kase mas kinakabahan ako ‘pag nanonood eh,” pag-aamin ni E2MAX.
Hindi naman bigo ang El Kapitan sa pamumuhunan sa kaniyang dalawang bagong starters dahil bagamat mapanghamon ang mga katapat sa posisyon ay nagagamapanan nila ang kanilang trabaho na paningningin ang kanilang superstar sa gold lane na si Duane “Kelra” Pillas.
Nagapi man ng ECHO ay nagawa ng Smart Omega na makakalawit ng isang laro kontra sa M4 World Champions sa likod ng plays ng support duo, bago tuluyang pabagain ang makinarya para itumba ang Phoenix Army para tapusing mapagbunga ang Week 4.
Sundan ang pinakahuli sa MPL PH sa pamamagitan ng pag-like at pag-follow sa ONE Esports Philippines sa Facebook!