Ipinukol nila Patrick “E2MAX” Caidic at Smart Omega ang kanilang unang panalo sa MPL Philippines Season 11 nang pataubin nila ang RSG Slate PH, 2-0, sa tapatan ng “Kings of SEA” sa Week 2 Day 1.
Matapos mabigo sa dalawang serye noong Week 1, nalasap ni E2MAX ang tamis ng unang tagumpay sa kanyang bagong trabaho bilang technical coach ng koponan.
Sa post-match press conference, ibinahagi ng dating kapitan ang kanyang saloobin sa pagiging coach ngayong season. Nagsalita rin sina jungler Dean “Raizen” Sumagui at mid laner Dale “Stowm” Vidor patungkol sa halaga ni E2MAX sa koponan.
‘Natutuwa ako kasi kahit papaano nakikita ko ‘yung resulta ng tinuturo ko,’ ani ni E2MAX
Walong seasons nagpakitang-gilas bilang manlalaro sa MPL PH si E2MAX. Kaya ganon na lang ang paglalarawan niya sa kanyang pakiramdam nang masunggaban ang bwena manong panalo bilang coach.
“Actually, surprising sa’kin ‘yung pakiramdam kasi mas nakakakaba pala manood kaysa maglaro. Para akong hihimatayin kanina eh,” pabirong sabi niya. “Masaya ako siyempre first time ko ‘to as a coach tapos ‘yun pala ang pakiramdam, sobrang overwhelming.”
Nagagalak din ang Mobile Legends Southeast Asia Cup 2021 champion dahil nagbubunga ang mga ibinabahagi niyang kaalaman sa mga manlalaro.
“Masaya naman ako sa mga team na tinuturuan ko kasi parang ‘di na rin naman sa kanila bago. Nung naglalaro ako ganun na rin talaga ‘yung way ko as a captain before. Mas ini-improve ko na lang siya and sobrang natutuwa ako kasi kahit papaano nakikita ko ‘yung resulta ng tinuturo ko na okay pala, maganda rin pala.”
Ang kahalagahan ni E2MAX sa Smart Omega, ayon kila Raizen at Stowm
Para kay Raizen, na naging nakasangga si E2MAX sa liga sa loob ng tatlong seasons, mas marami nang naituturo ang dati niyang kapitan ngayong coach na ito.
“Sobrang halaga po niya kasi nung player po kasi siya parang konti pa lang ‘yung tinuturo niya sa’min kasi naglalaro siya. ‘Di niya na maisip ‘yung ibang bagay tapos nung naging coach na po siya parang lahat na po nakikita niya eh. Lahat ng tama at mali kaya mas lumakas pa kami ngayon.”
Pahayag naman ni ex-Bren Esports player Stowm na pinunan ang posisyong nabakante ni E2MAX, malaki ang impact ng bagong coach sa kanyang laro.
“Sobrang laking tulong po niya kasi kung nakita niyo naman po, ‘yung mga talo namin sa Week 1, ‘di kami masyadong nakalaban sa ONIC ‘tsaka sa Bren. After nun kinausap niya ko sa mga tingin niyang kulang sa’kin. Kasi ako sa perspective ko, sa 2 matches na ‘yun binigay ko ‘yung best ko,” saad niya.
“Pero nung pinoint out niya ‘yung mga tingin niyang kulang pa rin, (nalaman ko na) sobrang laki pa rin ng ii-improve ko kahit ginagawa ko ‘yung best ko.”
Aasamin ng Smart Omega na ipagpatuloy ang momentum kontra Blacklist International sa huling serye ngayong Sabado, 6:30 ng gabi.
Para sa karagdagang esports balita, guides, at highlights, i-follow lang ang ONE Esports Philippines sa Facebook.