Anim na ONE Esports Mobile Legends: Bang Bang Community Tournament na ang napagtagumpayan ng GameLab.

Simula Mayo hanggang Oktubre noong nakaraang taon, hindi pwedeng hindi lilitaw ang koponang pinangungunahan ni Mark “Dokmen” Nazar sa listahan ng mga nanalo. Tatlong beses lang sila nagbago ng roster sa kahabaan nito—patunay pa sa kanilang kakayahan.

Dokmen ng GameLab sa kahalagahan ng community tournaments para sa amateur MLBB teams
Credit: GameLab

Sa isang panayam ng ONE Esports kay Dokmen, ibinahagi niya kung gaano kahalaga ang ONE Esports Community Tournament para sa mga kakampi niyang sina Jan “XBOCT” Amande, Jermaine “Aizawa” Fernandez, Vincent “Takenaga” Montilla, at Masayuki “YukTzy” Fukita, pati na rin sa kalakhang eksena ng amateur MLBB.



Dokmen ng GameLab sa kahalagahan ng ONE Esports Community Tournament

Dokmen ng GameLab sa kahalagahan ng community tournaments para sa amateur MLBB teams
Credit: Dokmen

Galing na sa MLBB Professional League Philippines (MPL PH) si Dokmen. Nakapaglaro siya sa ilalim ng Geek Fam at STI e-Olympians bago magpahinga. Ngayong nagbabalik na siya sa mas siksik nang eksena, inamin niyang kailangan nilang sunggaban ang lahat ng oportunidad na makapagpalakas.

“Batak-batak lang para ‘pag malalaking tournament, hindi na masyadong kabahan. Lahat naman sinasalihan namin, parang practice na lang din… kahit maliit, kahit walang premyo, basta ma-practice kami sa mga tournament,” aniya.

Bagamat hindi raw nawawala ang kanilang kaba sa tuwing sumasabak sa gera, nakatutulong ang kanilang karanasan sa mga community tournament na mapatibay ang ugnayan nilang magkakakampi at mahasa ang mga stratehiya na kanilang nabubuo.

“Maganda naman kasi napa-practice namin ‘yung mga hero namin tsaka [may] nakakalaban din kaming malalakas, [gaya ng] Z4, Euphoria Esports, kaya nababatak din kami,” dagdag pa ni Dokmen.

Dahil sa determinasyon, sipag, at taglay na husay sa paglalaro, hindi lang kampeonato mula sa ONE Esports Communiuty Tournaments ang ngayo’y maipagmamalaki ng GameLab. Kamakailan kasi ay nagtagumpay din sila sa Top Clans Winter 2022, isang international tournament na sinalihan ng mga pamilyar na pangalan gaya ng Burmese Ghouls, Niightmare Esports, at Geek Fam ID.

Pero syempre, hindi dito natatapos ang pangarap ni Dokmen para sa kanyang sarili at para sa kanyang mga kakampi sa GameLab lalo na’t mainit ang usapan tungkol sa kauna-unahang season ng MLBB Development League Philippines at pagpapatuloy ng MPL PH:

“Gusto kong mapabilang sa mga malalakas mag-tank. Gusto rin namin na magkakasama rin kaming maka-apak sa pro scene, masama mga kakampi ko na makalaro sa MPL o MDL, at makapag-champion.”


Para sa karagdagang balita sa esports at guides sa mga paborito niyong laro, i-like at i-follow ang ONE Esports Philippines sa Facebook.

BASAHIN: M5 World Championship sa Pilipinas gaganapin!