Kamakailan ay nabulabog ang mga miron sa anunsyo ng EVOS Esports tungkol sa paglilipat sa batikang EXP Laner na si Gerald “Dlar” Trinchera sa developmental team nitong EVOS Icons sa MDL.

Sa proseso ay makikipagpalit ng posisyon si Dlar kay Rizqi “Saykots” Damank na aangat naman papuntang Legends, base pa rin sa ibinahagi ng esports org sa kanilang Facebook at Instagram.

Dahil dito, bahagyang magkakaroon ng detour ang karera ni Dlar sa MPL ID, kung saan tumagal lamang siya ng limang linggo kasama ang team ngayong Season 10. At ngayong lampas na ang transfer window sa liga ay sigurado nang hindi makakabalik sa Legends roster ang dating ONIC PH superstar.

Bagamat maraming Pinoy fans ang nagkaroon ng negatibong reaksyon ukol dito ay sinabi naman ni Dlar na mas matutulungan nito na mapahaba at mas mapaganda ang kaniyang kampanya sa Indonesia.


Dlar nagsalita tungkol sa pagpapababa sa kaniya sa EVOS Icon

Credit: ONE Esports

Sa isang online interview, ibinahagi ng 23-anyos ang kaniyang karanasan kasama ang white tigers sa MPL ID Season 10.

“Three games lang nilaro ko this season at ‘di pa sapat ‘yon,” aniya. “May mga bagay pa akong kailangan matutunan para maka-adapt sa kultura dito sa Indonesia”

Isa ang ex-ONIC PH pro sa mga pinakamatagal na sa MLBB pro scene sa koponan matapos ang pagkalas ng literal na legends na sina Muhammad “Wannn” Ridwan, Ihsan Besari “Luminaire” Kusudana at Gustian “REKT” noong offseason.

Gayunpaman, dalawang serye lamang nakasalang si Dlar nang makaharap niya ang Geek Fam ID team ng dating teammate na si Allen “Baloyskie” Baloy sa Week 2, at ONIC Esports nina Kairi “Kairi” Rayosdelsol at Coach Denver “Yeb” Miranda noon namang Week 3.

Credit: ONE Esports

Kahit pa maganda ang kaniyang performance kontra GF na nawalis nila sa 2-0 gamit ang kaniyang signature Uranus, nanatiling starter sa EXP Lane sa EVOS si Sebastian “Pendragon” Arthur.

Nilinaw naman ni Dlar na siya ang may desisyon na maglaro para sa EVOS Icon.

“Pangalawa kong desisyon yung amglaro sa MDL para maka-explore ako at matuto din mag-Bahasa Indonesia,” sabi ng tinagurian sa Pinas na “The General”

Dagdag pa niya, “Marami sa teammates ko hindi nakakaintindi ng English kaya kailangan kong maging fluent sa Bahasa.”

Sa EVOS Icon, sasamahan niya ang ilang former MPL players tulad nina Ferdyansyah “Ferxiic” Kamaruddin at dating Bigetron Alpha star na si Jabran “Branz” Bagus Wiloko.

Sundan ang pinakahuli sa MPL sa pamamagitan ng pag-like at pag-follow sa ONE Esports Philippines sa Facebook.

BASAHIN: Bakit nilipat si Dlar papunta sa MDL? EVOS Esports VP na si DeanKT nagsalita