Hindi hinayaan ng ni Jonard “Demonkite” Caranto at RSG Philippines na maka-alagwa ang naghihingalong TNC Pro Team nang maganap ang ikalawang paghaharap ng dalawa sa regular season ng Mobile Legends: Bang Bang Professional League Philippines Season 10 (MPL PH S10).
Kahit pa kasi naunang nakapukol ng tagumpay ang Phoenix sa unang mapa ng serye, hindi ito naging sapat para mapigilan ang MPL PH S8 Rookie of the Season na makakuha ng Savage at mauwi ng defending MPL PH at MLBB Southeast Asia Cup champions ang panalo.
Light at Demonkite, nanguna sa reverse sweep ng RSG kontra TNC
Pinatunayan ni SDzyz sa unang mapa ng serye na hindi ang tiwala nila sa Jungle emblem at Demon Slayer talent ang tanging dahilan sa mga nauna nilang pagkatalo.
Napagana kasi ng TNC ito, gamit ang Balmond ng kanilang jungler, para tapatan ang malikot na Fanny ni Jonard “Demonkite” Caranto. Naipon sa kanilang banda ang kalamangan dahil sa taglay na kakayahan ni SDzyz na sumelyo ng mga objective.
Bagamat nakahanap pa rin ng matatagumpay na initiation ang Atlas ni Dylan “Light” Catipon, hindi ito sapat para mapigilan ang pag-alagwa ng mga uhaw sa panalong Phoenix. Naselyo ng TNC ang panalo matapos ang 22 minuto, sa tulong ng game MVP na si SDzyz.
Nagpatuloy ang pagpapakitang-gilas ni SDzyz pagpasok sa ikalawang mapa ng bakbakan. Nilabas ng koponan ang baon nilang Aamon, na napili sa unang pagkakataon ngayong season.
Tangan pa rin ang Demon Slayer talent, napatunayan ng 19-taong-gulang na manlalarong hindi kailangan na Tank o Fighter ang gamit para maging objective-oriented. Sa kanila kasi napunta ang dalawa sa tatlong Turtle ng laban, maging ang unang apat na Lord.
Nagsilbi lang na hadlang sa kanilang pagkapanalo ang kakulangan sa damage output at ang Grock ni Light. Wala kasing kinuhang Marksman ang TNC, dahilan para mahirapan silang mag-clear ng minions at mag-push ng turrets.
Matapos ang 29 minuto, nabaligtad ng RSG ang kulang-kulang 12,000 gold na kalamangan ng kanilang kalaban. Hinirang na MVP ng mapa ang reigning regular season MVP na si Light.
Sinakyan ng RSG ang momentum na nakuha sa nagdaang laban para kumpletuhin ang reverse sweep laban sa TNC. Sumalalay na lang ang dalawang koponan sa kani-kanilang paraan ng paglalaro, pero mas malinis ang performance na ipinakita ng Raiders.
Naselyo ang panalo ng defending champions matapos maka-Savage ang Karina ni Demonkite bandang 16-minuto ng bakbakan.
Si Demonkite din ang hinirang na MVP matapos itala ang game-high nine kills na sinamahan ng tatlong assists.
Susunod na haharapin ng RSG ang ONIC PH sa Linggo, ika-18 ng Setyembre, sa ganap na ikalima ng hapon.
Masusubaybayan ang mga laban sa opisyal na YouTube at Facebook pages ng MPL Philippines.
Para sa karagdagang balita sa esports at guides sa mga paborito niyong laro, i-like at i-follow ang ONE Esports Philippines sa Facebook.
BASAHIN: Dlar ilalagay muna sa EVOS Icon, Saykots aangat sa Legends ngayong S10