Hindi pinalad na makausad sina Pinoy import coach John Michael “Zico” Dizon at Burn x Flash ng Cambodia sa lower bracket ng M4 World Championship sa Jakarta, Indonesia.

Nagtapos ang kampanya ng MPL Cambodia Autumn 2022 champions sa 13th-16th place nang makalasap sila ng 0-2 pagkatalo sa kamay ng North American squad na The Valley ni Michael “MobaZane” Cosgun.

Sa panayam matapos ang serye, ibinahagi ni Zico ang pinakamalaking bagay na natutunan niya sa M4 at kung paano sila nakagawa ni Pinoy gold laner Jhonwin “Hesa” Vergara ng impact sa Burn x Flash.


Zico: ‘Na-boost ang confidence nila since Pilipinas nga ‘yung malakas’

Coach Zico ng Burn x Flash
Credit: Moonton

Ani ni Zico, malaki ang epekto ng pagkawala ng pisikal na presensya niya sa kasagsagan ng group stage matapos siyang tamaan ng COVID-19. Kaya naman ibayong pag-iingat ang aral na napulot niya mula sa masalimuot na karanasan.

“Biggest lesson para sa’kin siguro mag-ingat para ‘di magka-COVID,” saad niya. “Doon nag-umpisa lahat eh kasi ang hirap na nagte-training sila nang wala ako, lalo na sa stage.”

“First day (laban) sa Falcon (Esports), sinubukan ko na mag-coach online kaso ‘di kami magkaintindihan kasi ang pwede ko lang kausapin ‘yung manager namin. So ‘di ko makausap ‘yung mismong players kung ano ‘yung plano namin in-game. Kaya ayun sobrang hirap kasi parang di nila alam ‘yung gagawin. Although naging good fight naman pero the next matches wala, ang hirap talaga,” kuwento niya.

Hesa ng Burn x Flash sa M4
Credit: Moonton

Naniniwala si Zico na kaya nilang makatuntong sa upper bracket ng torneo kung hindi siya nagkasakit. Matatandaan na bagamat hindi nakaisa ang Burn x Flash kontra sa Blacklist International, Falcon Esports at Incendio Supremacy sa Group A, may mga pagkakataon na napapahigpit nila ang mga laban.

“Feel ko kung ‘di ako nagka-COVID kaya namin mag-upper bracket eh. Kasi iba talaga ‘yung impact na wala ako sa tabi nila, sila-sila lang tapos ‘di nila alam ‘yung gagawin and ayun talaga sobrang malas.”

Sa kabila ng nangyari, natutuwa ang M Series second-timer sa naibigay nila ni Hesa para sa Burn x Flash sa nagdaang season.

Credit: Moonton

“Siguro ‘yung na-boost ang confidence nila since Pilipinas nga ‘yung malakas and may kasama silang Pinoy so nakadagdag ‘yun sa confidence nilang maglaro,” saad ng dating ONIC PH player na nakadalo sa M1.

“Si Hesa rin nagtuturuan sila in-game and outside the game. And ‘yun masaya rin ako kasi naging part ako ng journey namin dito. Sana magtuloy-tuloy pa.”

Sa ngayon, plano ni Zico na magpahinga muna matapos ang napakahabang season para sa kanilang koponan.

I-like at i-follow ang ONE Esports Philippines sa Facebook para sa mga istorya patungkol sa M4 at Mobile Legends: Bang Bang.