Pagkatapos mabigo noong MPL Indonesia Season 9, nagbalik sa tugatog ng Mobile Legends eksena sa bansa ang ONIC Esports sa Season 10. Sa likod ng henyo ni Denver “Coach Yeb” Miranda, nakuha ng Hedgehog team ang kanilang paghihiganti kontra RRQ Hoshi, kasama na din ang kanilang ikatlong titulo sa liga.
Ngunit bago matamasa ang tagumpay na ito, dumaan muna sa maraming pagsubok si Coach Yeb at ang kaniyang koponan, mga pagsubok na mas ginawang makitid dahil unang pagkakataon ito ng Pinoy coach na tulungan ang isang banyagang team, at sa banyagang liga.
Kaya naman bago magsimula ang naturang season, batid ng ex-ONIC PH coach ang pangangailangan ng sistematikong atake para magabayan ang mga ito. Nagsimula ang coach sa isang player na tingin niya ay maghuhulma ng totoong porma ng team.
Coach Yeb tinangkang ibalik ang ‘Butsss Esports’ era sa ONIC
Sa isang bahagi ng ONE v ONE with the Great One ng ONE Esports Philippines, ibinahagi ni Coach Yeb ang pagsisimula ng kaniyang proseso na matulungan ang bago niyang koponan. “Sa aken kasi, unang tinarget ko si Butss,” kuwento ng ONIC Esports coach.
Ito daw ay dahil mistulang naligaw ng landas ang EXP laner sa Season 9 kung saan maraming pagkakataon na eksperimental ang ginawa ng player sa loob ng laro, partikular na sa hero pool.
Paglalahad ni Yeba, “Siya yung unang tinarget ko na, ibalik ko yung kumpiyansa niya na ganito laruin yung gantong hero.” Mahalaga daw kasi na mapulot ni Butsss ang ilang ginagawa ng dating EXP laner sa ilalim niya na si Gerald “Dlar” Trinchera.
“Parang kase, ang nakita kong kulang niya, kung paano yung laro ni Dlar. Anglakas niya sa teamfight eh, pero kung paano mo kontrolin yung katapat mo sa mapa,” pagtatapat ng esports vet.
Pagtutuloy pa niya, “Eh galing saken si Dlar. Kabisado ko si Dlar. So binigyan ko ng input kung paano maglaro ng ganoon. Sa level niya ngayon, isa si Butsss yung inimprove ko.”
Hindi naman bigo si Coach Yeb sa tangka niyang ibalik ang kumpiyansa ng angkorahe ng ONIC Esports. Bukod sa malaki ang impact na dinala ng kaniyang EXP laner sa kampanya nila sa MPL ID Season 10 playoffs, natapos ang season na kabilang si Butsss sa First Team ng liga, katuwang ang kapwa ONIC Esports teammates na si Kairi” Kairi” Rayosdelsol, at goldlaner na si Calvin “CW” Winata.
Ngayong naibalik na sa dating tikas ang Indonesian pro, inaasahan ni Coach Yeb na madadala niya ang kamandag ng ‘Butsss Esports’ sa darating na pagsubok sa M4 World Championship.
Manatiling nakasubaybay sa mga kuwento sa MLBB sa pamamagitan ng pag-like at pag-follow sa ONE Esports Philippines sa Facebook.