Isa ang ONIC Esports ni Denver “Coach Yeb” Miranda sa mga koponang nagpamangha sa gumulong na Group Stage ng M4 World Championship. Gaya ng inasahan ng mga miron, ipinamalas ng MPL Indonesia Season 10 champions ang kanilang solidong mechanics at swabeng team play para makalawit ang mahalagang upper bracket slot papunta sa Knockout Stage.
Matagumpay man sa layuning ito, aminado si Coach Yeb na may mga nakaharap silang pagsubok papunta sa 2-1 record sa matarik na Group B.
Ito ang saad ng Pinoy coach sa isang eksklusibong panayam kasama ang ONE Esports Philippines, kung saan ibinahagi din niya ang ginawa nilang adjustment ukol sa strategy at mind-setting.
Mindset ng ONIC PH noon, mindset na din ng ONIC Esports ngayon ani ni Coach Yeb
Delubyo agad ang hinarap ng koponan ni Coach Yeb sa una nilang salang sa M4 Group Stage. Ito ay pagkaraang sumipa ang lason na karga ng Malaysian team Todak na nilusutan sila sa loob ng 16 minuto para maagang dungisan ang kanilang win-loss kartada.
Kuwento ng coach, “Maganda ang naging paghahanda ng Todak sa amin. Sobrang effective yung ganoong strat sa BO1.” Bukod pa dito, inamin din niya na may pagkakamali sila sa kanilang drafting phase.
Matapos maisahan sa harap ng kanilang home crowd, batid daw ni Coach Yeb na naapektuhan ang kumpiyansa ng kaniyang mga manlalaro.
Dito naman daw naging kapaki-pakinabang ang kaniyang karansan bilang haligi ng ONIC Philippines na bago kapusin kontra Blacklist International sa M3 World Championship Grand Finals, ay sinagasaan ang bawat makaharap na team noon sa Playoffs.
Banggit ni Coach Yeb sa ONE Esports, “Kinuwento ko sa kanila na ang ONIC PH, talo din sa first game ng M3. Pero dahil hindi kami nagpa-apekto at gusto lang namin ibigay lagi ang best namin noon, eh maganda naman naging resulta kahit hindi kami nag-champion.
Sa madaling sabi, “Same mindset ang dala ng ONIC ID ngayon.”
Ito na ang huling pagkakataong nagapi ang koponan sa Group Stage. Hindi na lumingon pabalik ang ONIC Esports na magkasunod na winasiwas ang Malvinas Gaming at MDH Esports para iangat ang kanilang mga sarili sa 2-1 record, sapat para sa second place finish at ang tiket sa Upper Bracket.
Tutulak ngayon ang Indonesian team sa Knockout Stage kaharap naman ang dark horse ng liga na Falcon Esports mula Myanmar.
Sa pagkakataong ito, isa lang ang pangako ni Coach Yeb sa magaganap na dikdikan, “Ibibigay namin ang best namin versus Falcon. God willing sana manalo kami!”
I-like at i-follow ang ONE Esports Philippines sa Facebook.
BASAHIN: KarlTzy tinukoy ang pagkakaiba ng ECHO at Blacklist sa M4