Tagumpay ang ECHO, sa pamumuno ni Harold “Coach Tictac” Reyes, sa kanilang ikaapat na series sa regular season ng Mobile Legends: Bang Bang Professional League Philippines Season 11 (MPL PH S11).
Sa kanilang ikaapat na laban ngayong season ay hinarap ng mga Orcas ang TNC Pro Team. Bagama’t nanalo rin sila sa huli, hindi naging madali ang laban para sa M4 World champions lalo na’t dahil sa kakaibang bangis na ipinakita ng Phoenix squad sa game one.
Kapansin-pansin na maagang nakakuha ng lamang ang mga Orcas sa early game. Ngunit unti-unti itong hinabol ng TNC hanggang sa maagaw nila ang kalamangan mula sa kamay ng mga world champions.
Kung pagbabasehan ang objectives, nakuha ng ECHO ang tatlong Turtle na lumbas sa laban, subalit ang mga Phoenix ang nagwagi sa tatlong Lord fights.
Sa kasamaang palad para sa TNC, ang huling Lord dance ang naging mitsa ng kanilang pagkatalo dahil nagresulta ito sa isang team fight kung saan na-outplay sila ng ECHO, dahilan upang sila ay ma-wipeout at tuluyan nang matalo sa unang game.
Opinyon ni Coach Tictac sa game one at sa TNC
Sa post-match press conference, inihayag ni Coach Tictac ang kanyang saloobin sa nagdaang dikit na laban, kung anong mga naging dahilan at kung paano nila ito napagtagumpayan.
“Yung TNC ngayon, unti-unting lumalakas,” sabi ng coach. “Kung makikita natin laro nila ngayon, nag-iimprove na.”
Inamin din ng ECHO coach ang kanilang pagkukulang at kapabayaan. “Tsaka medyo nagkulang kami ng disiplina nung game one kaya nakadikit-dikit sila,” sabi niya.
Kaya’t pagdating sa ikalawang game, kinailangan nilang mag-adjust sa draft at sa playstyle.
“Nag-adjust din kami sa draft. Nung game one, yung Diggie ang laking pahirap samin nun e,” paliwanag ng coach patungkol sa Diggie pick ni Ben “Benthings” Maglaque na nagsilbing perwisyo sa Orcas.
Sa panahon ng pagsusulat nito ay wala pang nakukuhang panalo ang TNC sa regular season, ngunit nasa ikatlong linggo pa lang tayo ng liga at marami pang maaaring mangyari. Kung magtuloy-tuloy ang pag-improve ng Phoenix squad at maipanalo nila ang mga susunod nilang laban ay may pag-asa pa silang makaakyat sa standings at makapasok sa playoffs.
Para sa iba pang balita tungkol sa gaming at esports, i-like at i-follow ang ONE Esports Philippines sa Facebook.