Tagumpay ang ECHO sa kanilang unang match sa pagsisimula ng Mobile Legends: Bang Bang Professional League Season 11 (MPL PH S11).

Sa unang laban ng Season 11, nagtuloy-tuloy ang arangkada ng M4 World champions na ECHO sa kanilang win streak laban sa MPL PH defending champions na Blacklist International. Muli ay nangibabaw ang koponan ni Harold “Coach Tictac” Reyes sa score na 2-0, isang magandang panimula para sa season na ‘to.

Credit: Moonton

Ngunit kaakibat ng pagiging world champions ang tinatawag na M-Series curse, kung saan tila humihina ang performance ng mga kamepon, bagay nasaksihan sa mga nagdaang M-Series champions.

Paano nga ba napapanatili ng ECHO ang kanilang disiplina at estado upang maiwasan ang nasabing sumpa?

Paalala ni Coach Tictac sa mga players ng ECHO

ECHO Coach Tictac with KarlTzy and Yawi MPL PH S11
Credit: Ron Muyot/ONE Esports

Sa post-match press conference, tinanong ng ONE Esports Coach Tictac kung anong klaseng plano ang meron siya at ang kanyang team upang maiwasan ang sumpa ng M-Series.

“Lagi ko sinasabi sa boys, after namin manalo ng championship sa M4, reset tayong lahat,” sabi ni Coach Tictac. “Kumbaga, back to zero.”

Bilang tumatayong ama ng koponan, tungkulin ng coach na mapanitili ang disiplina at respeto sa kanyang mga players. Sa ganitong paraan ay masisiguro nilang nasa kondisyon sila sa bawat laban, at mapapanatili nila ang kalidad ng laro na nagdala sa kanila sa kampeonato.

“Huwag nating isipin na champion tayo, na tayo ang pinakamalakas, hindi,” pagpapatuloy ng coach. “Lahat nang teams malalakas.”

Credit: MPL Philippines

Sa ganitong klaseng disiplina, masisiguro ni Coach Tictac na hindi mahahaluan ng yabang ang laro ng bawat player sa kanyang team. Dahil alam niya na ang lahat nang mata ay sa kanila nakatutok ngayon.

Palaging paalala ng coach sa ECHO na laging magpakumbaba at irespeto ang lakas ng bawat koponan sa liga, upang mapamatili ang kanilang focus at magawa ang mga dapat nilang gawin sa bawat laro.

“Huwag lalaki ang ulo, paa sa lupa,” mariing paalala ng coach ng Orcas.

Susunod na makakalaban ng ECHO ang Bren Esports sa ikalawang araw ng MPL PH S11, February 18, 1:30 p.m. GMT+8.

Para sa iba pang balita tungkol sa gaming at esports, i-like at i-follow ang ONE Esports Philippines sa Facebook.