Marami ang napatanong at pumuna sa draft ng ECHO sa Game 3 ng kanilang unang playoffs match kontra Team HAQ ng Malaysia sa M4 World Championship sa Jakarta, Indonesia.
Hawak ang 2-0 kalamangan sa serye at isang panalo na lang ang kailangan para makausad, kumuha sina Archie “Coach Tictac” Reyes ng bibihirang mid Akai para kay Alston “Sanji” Pabico at jungle Valentina para kay Karl “KarlTzy” Nepomuceno.
Umasa ang karamihan na Akai ang lalaruin ni KarlTzy habang Valentina naman kay Sanji, kaya naman napasabi ang ilan sa mga manonood na nag-eksperimento umano ang isa sa mga pambato ng Pilipinas sa torneo.
Nagdomina ang Malaysian champs sa early game bago pihitin ang 16-minute win. Mula dito ay naagaw nila ang momentum at kamuntikan pang maitala ang kauna-unahang reverse sweep sa M series.
Sa eksklusibong panayam ng ONE Esports, ipinaliwanag ni Coach Tictac kung bakit ganoon ang naging draft nila sa Game 3. Ibinihagi rin niya kung paano nalampasan ng Purple Orcas ang matinding hamon mula sa Vikings ng Malaysia.
Planado ang mid Akai at jungle Valentina picks, saad ni Coach Tictac
Ayon kay Coach Tictac, intensyonal ang pag-pick nila ng Akai para kay Sanji at Valentina para kay KarlTzy sa Game 3, at isa talaga ito sa mga stratehiya nila.
“Kasama rin talaga sa plano ‘yun, kumbaga napu-pull off naman namin. Sadyang ‘di lang pinalad,” sabi niya. “I mean mas maganda ‘yung nilaro nila (Team HAQ) noong Game 3. Pero kasi ‘yung ginagawa naming Akai pos-4 tapos jungle Valentina, nagagawa naman namin ‘yun.”
Maging ang off-meta Yi Sun-Shin pick sa sumunod na laro ay nagpataas din ng kilay ng mga manonood. Pabirong paliwanag naman ni KarlTzy dito: “Trip ko lang po para mapatagal.”
Pagsapit ng series decider, nag-adjust umano sila Coach Tictac sa draft. Malaki rin ang pasasalamat niya na nanatiling mahinahon ang kanyang mga manlalaro sa kabila ng mainit na momentum ng Team HAQ upang manaig sa mahigpit na serye.
“Nung natalo kami nang dalawang beses ng Team HAQ, nag-usap-usap kami na mag-reset tapos ‘wag mawalan ng pag-asa, maging composed tayo. So ayun, pasalamat sa mga bata ‘yung mental fortitude nila nandun.”
Nakalusot ang ECHO sa best-of-5 upper bracket semifinals kung saan makakalaban nila ang mga kampeon ng MPL Indonesia na sina Kairi “Kairi” Rayosdelsol at ONIC Esports. Nakatakda itong ganapin sa Huwebes, ika-12 ng Enero, ikapito ng gabi (oras sa Pilipinas).
I-like at i-follow ang ONE Esports Philippines sa Facebook para sa mga istorya patungkol sa M4 at Mobile Legends: Bang Bang.