Kasama si Brian “Coach Panda” Lim ng RSG PH sa 10 personalidad na inilagak sa Hall of Legends ng Mobile Legends: Bang Bang Professional League Philippines (MPL PH). Ginawa ng Moonton ang bersyon nito ng “Hall of Fame” sa ika-sampung season ng liga.
Ang MPL PH Hall of Legends ay isang inisyatibo para bigyan ng karangalan ang esports athletes na nagbigay-daan sa patuloy na pag-usbong ng Mobile Legends at esports scene nito sa bansa. Ibinase sa tatlong aspeto na strength, contribution, at legacy ang pagpili ng mga nararapat na makasama rito.
Siyempre, bakas ang tuwa sa mukha ni Coach Panda na mapabilang siya sa kauna-unahang pangkat ng HOL inductees. Kasama niya rito ang siyam na maalamat na manlalaro ng liga at siya lang ang natatanging coach sa ngayon.
Pero kung may pwede umano siyang isama sa listahan, hindi siya mag-aatubiling piliin ang kapwa respetadong MLBB coach na si Kristoffer “BON CHAN” Ricaplaza ng Blacklist International.
Karapat-dapat din makasama sa Hall of Legends si Coach BON CHAN, ayon kay Coach Panda
“Para sa’kin po si BON CHAN,” tugon ng South Korean tactician sa tanong sa Hall of Legends press conference kung sino ang nais nilang piliin o idagdag sa prestihiyosong grupo kung maaari.
Inalala ni Coach Panda kung paano nagsimula ang karera nila ni BON CHAN sa MPL PH. Pareho silang nag-umpisa bilang manlalaro noong Season 2 nang manalo sila sa qualifiers bago nag-transition sa coaching.
Nagsilbi si Panda bilang mentor ng ArkAngel noong Season 3 at dinala ang koponan patungo sa kampeonato. Dahil dito, kinilala siya bilang isa sa mga pioneer ng coaching sa liga.
Matapos naman ang dalawang seasons bilang player ng SxC Imbalance at EVOS Esports PH, bumaling na sa full-time coaching si BON CHAN noong Season 4. Napanatili nila ang kanilang slot sa MPL at kinuha sila ng Blacklist International.
“How we think about instilling discipline and mindset to the players… We’re both inspired by each other,” ani ni Coach Panda. “And we always talk to each other on how we do this thing, this is the mindset that we need to teach to the players.”
Bilang mga coach, pareho rin silang marami nang nakamit. Bukod sa kampeonato sa Season 3, nakalawit din ni Coach Panda ang gold medal sa SEA Games 2019 kasama ang unang SIBOL MLBB team, at mga titulo sa MPL PH Season 9 at Mobile Legends Southeast Asia Cup (MSC) 2022 kasama naman ang RSG PH.
Sa kabilang banda, ginabayan ni BON CHAN ang Blacklist International patungo sa tuktok ng M3 World Championship kabilang pa ang tatlong kampeonato sa MPL PH at gold sa 31st SEA Games. Kaya ganun na lamang ang respeto ni Panda kay BON CHAN.
“If ever it’s not me, I’d really give my position to Coach BON CHAN,” wika niya.
Para sa mga balita at guides patungkol sa MLBB, i-like at i-follow ang ONE Esports Philippines sa Facebook.