Pinutol nina John Laurence “Coach Lift” Ruiz at ng TNC Pro Team ang win streak ng Bren Esports sa kanilang paghaharap sa ikaanim na linggo ng Mobile Legends: Bang bang Professional League Philippines Season 11 (MPL PH S11).

Sa isang mala-David and Goliath na paghaharap sa pagitan ng nangunguna at ikawalong team sa liga, ipinakita ng TNC na buong buo pa rin ang kanilang loob na lumaban sa mga nalalabing linggo ng tournament upang makapasok sa playoffs.

Tinapos ng TNC ang series sa score na 2-1, bilang team maliban sa ECHO na nagpatikim ng talo sa Bren sa regular season.

Ayon kay Coach Lift, may kinalaman sa panalong ito ang RSG at ang kanilang coach na si Brian “Panda” Lim na kanilang nakasagupa isang araw bago ang kanilang laban sa Bren. Matatandaan na nagbigay ng komento si Coach Panda patungkol sa ipinakitang laro ng TNC sa kanilang paghaharap.

Reaksyon ni Coach Lift sa komento ni Coach Panda

TNC Pro Team Coach Lift Cooach Right MPL PH S11
Credit: MPL PH

Matapos magwagi laban sa Bren, nagbigay ng eksklusibong pahayag sa ONE Esports ang utak ng Phoenix Army na si Coach Lift patungkol sa komento ni Panda sa kanilang nagdaang laban.

Aminado ang coach na meron silang nagawang pagkakamali sa kanilang pagtutuos ng RSG. Ayon sa kanya, importante ang makatanggap ng ganitong klaseng komento mula sa ibang pananaw, lalo na sa isang mahusay na coach tulad ni Panda.

“Actually, iba-iba po talaga yung perspective ng mga teams,” sabi ng TNC coach. “Samin po, aminado naman po kami na nagkamali kami. Siguro po yun yung natutunan namin.”

Dagdag pa ng coach nagpapasalamat sila sa laban na ibinigay sa kanila ng RSG dahil nagamit nila ang mga natutunan dito sa kanilang pagharap sa nangungunang team sa liga, ang Bren Esports.

“Sobrang thankful po kami sa RSG, kay Coach Panda at sa lahat nang bumubuo ng RSG, sa learnings po na yun,” pasasalamat ni Lift. “Nagamit po namin yun sa laban po namin sa Bren. Thank you po.”

Kasalukuyang nasa panghuling pwesto ang TNC sa standings ng liga, ngunit meron pang dalawang linggong nalalabi sa regular season. At sa puntong ito, marami pang pwedeng mangyari.

Mapapanood ang opisyal na Filipino broadcast ng MPL PH S11 sa mga sumusunod na channels at pages:

Para sa iba pang balita tungkol sa gaming at esports, i-like at i-follow ang ONE Esports Philippines sa Facebook