Tila pasilip sa grand final ng gumugulong na Mobile Legends: Bang Bang Professional League Philippines Season 10 (MPL PH S10) ang salpukan ng Blacklist International at RSG Philippines noong huling araw ng ika-apat na linggo ng regular season.

‘Di lang kasi basta kinailangan ang lahat ng mapa ng best-of-three serye, dahil humigit din sa kalahating oras ang game three bago tuluyang mapasuko ng defending world champions ang kasalukuyang may hawak ng MPL PH at MLBB Southeast Asia Cup titles.

Kaya naman nang hingin ang palagay ni Kristoffer Ed “BON CHAN” Ricaplaza ukol sa naging performance ng kanyang mga manlalaro sa makapanindig-balahibong bakbakan, mas pinili ng tanyag na coach na saluduhan ang Raiders.

Coach BON CHAN pinapurihan ang RSG PH

Coach BON CHAN ng BLCK saludo sa RSG PH matapos ang dikdikang serye
Credit: MPL Philippines

Ani Coach BON CHAN, kung hindi raw naging puspusan ang naging pag-e-ensayo ng tinaguriang Kingslayers, ay hindi magiging ganon kadikit ang kanilang harapan.

“Siguro kailangan din nating magbigay ng credit sa RSG… The fact na naging dikit yung laban ibig sabihin talagang matindi rin yung pinagdaanan ng rsg sa practice just like us,” saad niya.

Hindi rin daw biro ang nakamit ng RSG PH noong nakaraang season. Para kay Coach BON CHAN, sila raw ang pumalit sa Blacklist International sa kung paano sinelyo ng koponan ang back-to-back championship titles sa MPL PH Season 9 at MSC 2022.

Matatandaang pinangibabawan din ng Agents ang mga nagdaang competitive season matapos magtala ng back-to-back championship titles sa MPL PH at muling iuwi ang kampeonato para sa Pilipinas sa M3 World Championship.

Coach BON CHAN ng BLCK saludo sa RSG PH matapos ang dikdikang serye
Credit: Instagram/Blacklist International

“Masaya silang kalaban. Sila yung kalaban na gugustuhin mong makalaro ulit nang paulit-ulit dahil alam mo yun gusto mong manalo sa kanila dahil malakas sila hindi yung gusto mo manalo dahil ayaw mo ma-trashtalk,” dagdag ni Coach BON CHAN.

Dahil sa panalong ‘to ng Blacklist International, sila na muli ang namumuno sa standings ng regular season. Meron silang 14 na puntos mula sa limang panalo at dalawang talo.

Samantala, susubukan nilang panatilihin ang katayuang ito sa susunod na linggo kontra Nexplay EVOS at Smart Omega.

Coach BON CHAN ng BLCK saludo sa RSG PH matapos ang dikdikang serye
Credit: MPL Philippines

Masusubaybayan ang mga laban sa opisyal na YouTube at Facebook pages ng MPL Philippines.


Para sa karagdagang balita sa esports at guides sa mga paborito niyong laro, i-like at i-follow ang ONE Esports Philippines sa Facebook.

BASAHIN: 
MPL PH Season 10: Storylines, schedule, resulta, format, at saan mapapanood