Maraming pumuna sa stratehiya nila Pinoy coach Michael Angelo “Arcadia” Bocado at RRQ Hoshi pagdating sa drafting nang hinarap nila ang Blacklist International sa upper bracket semifinals ng M4 World Championship sa Jakarta, Indonesia.
Hindi kasi binan ng RRQ Hoshi ang nagpapaandar sa UBE (ultimate bonding experience) strategy ng Blacklist International–ang signature Estes ni captain Jonmar “OhMyV33nus” Villaluna.
Apat na beses napasakamay ni OhMyV33nus ang kanyang Estes at ginabayan niya ang reigning world champions patungo sa dalawang panalo, kabilang na sa series decider. Sinabi ni OhMyV33nus na ang hindi pag-ban ng RRQ sa kanyang signature ang isa sa mga dahilan kung bakit nila napaluhod ang pambato ng Indonesia.
Nakausap ng ONE Esports si Coach Arcadia pagkatapos ng 3-2 panalo ng RRQ kontra Falcon Esports sa lower bracket quarterfinals at binigyang-linaw niya kung bakit hinayaan nilang makalusot ang pangunahing hero ng Blacklist.
Hindi lang gumana ang plano ng RRQ Hoshi laban sa Estes ng Blacklist International, ani Coach Arcadia
Paliwanag ni Coach Arcadia, may nakahanda talaga silang plano para sa Estes ni OhMyV33nus. Sa kasamaang palad, hindi nila ito na-execute at naparusahan sila ng three-time MPL Philippines champion.
“Para sa’kin kasi, ‘yung banning and picking or draft in general, it’s very subjective ‘no. It depends sa perspective ng tao. Para sa’kin, okay lang if ‘yun ang opinion ni V33. I respect that,” wika niya.
“Pero siyempre hindi naman kami basta-basta naglaro against Blacklist na, ‘Uy bibigay namin ‘yung Estes’ tapos wala kaming plano. We had a plan. It’s just that we were not able to execute it, but we have no regrets for that,” dagdag niya.
Ibinahagi rin ng beteranong coach ang kanyang opinyon sa kung bakit nananatiling malakas ang “healer meta” ng M3 champs.
“Sa totoo lang, sila ‘yung nag-introduce ng tank jungle meta ‘di ba? Consider it like they are the pioneers. So, basically, they are the master of that craft,” sabi niya.
“So, I think that’s the reason why sobrang lakas nila sa paglaro ng meta nila kasi sila ‘yung nagsimula and then sila talaga ‘yung hanggang ngayon talaga hindi nagbabago ng meta.
May tsansa pa sina Arcadia at RRQ Hoshi na ma-decode ang Blacklist International sakaling magtagpo sila sa lower bracket finals o grand finals. Pero kailangan munang lagpasan ng “King of kings” ang mananalo sa pagitan ng ONIC Esports at The Valley sa lower bracket semis bukas.
I-like at i-follow ang ONE Esports Philippines sa Facebook para sa Mobile Legends news, guides at updates.