Tagumpay ang RRQ Hoshi ni Michael Angelo “Coach Arcadia” Bocado sa kanilang unang salang sa playoffs ng M4 World Championship matapos nilang durugin ang Todak, 3-0, sa gitna ng hiyawan ng mga miron sa Tennis Indoor Stadium Senayan sa Jakarta, Indonesia.
Pinanatili ng “King of Kings” ng Indonesia ang kanilang malinis na kartada laban sa palagiang kinatawan ng Malaysia, na nakabangga na nila nang apat na beses sa kasaysayan ng M Series.
Dahil sa mabilis na pangwawalis sa Todak, pasok na ang RRQ Hoshi sa upper bracket semifinals kung saan posible nilang makasagupa ang dumidipensang world champion na Blacklist International.
Coach Arcadia sa Blacklist International: ‘Looking very strong pa rin sila‘
Inilahad ni Coach Arcadia na mas pabor siyang manalo ang RRQ Akira kontra Blacklist International sa tumatakbong serye sa pagitan ng mga pambato ng Brazil at Pilipinas dahil sister team nila ito.
Pero sa panayam ng ONE Esports pagkatapos ng kanilang panalo, sinabi niya na isa pa rin umano ang Blacklist sa mga inaabangan niyang makaharap sa M4.
“Siyempre excited tayo na makatapat ‘yung Blacklist if ever sila nga ‘yung makalaban namin. Siyempre sila ‘yung defending champ ‘di ba so it’s a great honor and pride to go up against them,” ani niya.
Binigyang-puri rin ng Pinoy import coach ang performance ng M3 champs sa kabila ng kanilang masalimuot na kampanya sa nakalipas na group stage.
Nagtapos kasi ang kasalukuyang kampeon ng MPL Philippines sa ikalawang puwesto sa Group A kung saan dalawang beses silang tinalo ng Falcon Esports. Pero para kay Arcadia, kita pa rin ang tikas ng koponang ginagabayan ni Kristoffer “Coach BON CHAN” Ricaplaza.
“I think solid pa rin ‘yung galaw nila. Nandun pa rin ‘yung macros, nandun pa rin ‘yung fundamentals nila and nandun pa rin ‘yung meta na nilalaro nila. So, I think looking very strong pa rin sila.”
Idiniin naman ni Coach Arcadia na wala silang kinakatakutan at handang harapin ang kahit sino para makoronahan na ang tinaguriang “King of Kings” bilang hari ng Mobile Legends: Bang Bang sa buong mundo.
I-like at i-follow ang ONE Esports Philippines sa Facebook para sa mga istorya patungkol sa M4 at MLBB.