Nagbigay ng pahayag si Coach Kristoffer Ed “BON CHAN” Ricaplaza sa kung anong dapat abangan ng Filipino Mobile Legends: Bang Bang community sa napipintong pagsabak ng Blacklist International bilang SIBOL, ang national esports team ng Pilipinas, para sa World Esports Championship 2022 (WEC 2022) ng International Esports Fedederation (IESF).

Isa ang Pilipinas sa walong bansang magpapaligsahan para sa Mobile Legends: Bang Bang category ng naturang turneo. Kalahok din ang mga pambato ng Namibia, Cambodia, Malaysia, Vietnam, Slovenia, Argentina, at Indonesia.

Hindi madali ang naging paglalakbay ng SIBOL patungo sa main event ng turneo matapos kapusin kontra Myanmar sa Asia Championship. Dadaan pa sana sila sa play-ins, kung hindi lang sumakto ang bilang ng mga bansang nag-register para sa naturang tournament phase. Dahil dito, nakatanggap sila ng imbitasyon kasama ang Vietnam at Cambodia.

'Classic Blacklist' daw ang dapat abangan sa IESF WEC 2022 MLBB, ani Coach BON CHAN
Credit: European Esports Federation

Nang tanungin ukol sa naging kampanya ng kanyang koponan sa patungo sa turneo na nakatakdang iraos sa Bali, Indonesia, nagkumento si BON CHAN, ang head coach ng Blacklist International at SIBOL MLBB, sa nangyaring pagkatalo nila noon sa Asia Championship at sa dapat abangan ng kanilang fans sa main event.

Ang palagay ni Coach BON CHAN sa kampanya ng SIBOL MLBB sa IESF WEC 2022

'Classic Blacklist' daw ang dapat abangan sa IESF WEC 2022 MLBB, ani Coach BON CHAN
Credit: SEA Games

Sa eksklusibong panayam ng ONE Esports, nagbigay ng maiksing paliwanag si Coach BON CHAN ukol sa pangingibabaw ng pambato ng Myanmar sa naturang tournament phase.

“Iba eh. Iba ‘yung nangyari,” aniya. “Siguro sabihin na natin na ‘yung nakalaban nilang Blacklist noon ay hindi Blacklist. ‘Yun na lang siguro ‘yung iiwan ko.”

Matatandaang kasagsagan ng regular season ng MLBB Professional League Philippines Season 10 (MPL PH S10) noong ganapin ang Asia Qualifier ng IESF WEC 2022. Bagamat nalampasan nila ang pamabato noon ng Cambodia, walis naman ang inabot ng SIBOL MLBB kontra mga miyembro ng Fenix Esports.

Nang tanungin naman kung anong klaseng Blacklist ang dapat abangan ng kanilang fans, ito ang naging sagot ng dekoradong coach:

'Classic Blacklist' daw ang dapat abangan sa IESF WEC 2022 MLBB, ani Coach BON CHAN
Credit: Blacklist International

“Ito na ‘yung classic Blacklist.”

Sa kasagsagan ng matagumpay na kampanya ng Blacklist International, nadaanan na ang koponan ng iba’t-ibang landas. Isa sa mga ‘di malilimutang halimbawa ay noong M3 World Championship, kung saan maaga silang nalaglag sa lower bracket matapos ma-upset ng BloodThistyKing mula North America.

“sa M3, nagsimula kami sa maganda sanang daan, pero nahulog kami sa BTK, pero ayun, nagapang naman namin. Syempre ganun din gagawin natin sa IESF,” kwento ni Coach BON CHAN.

Nakatakdang harapin ng Pilipinas ang magiging pambato ng host country na Indonesia para sa unang round ng main event ng IESF WEC 2022. Idaraos ang best-of-three serye nila sa ika-apat ng Disyembre.


Para sa karagdagang balita sa esports at guides sa mga paborito niyong laro, i-like at i-follow ang ONE Esports Philippines sa Facebook.

BASAHIN: IESF WEC 2022 MLBB: Schedule, resulta, mga kalahok, at saan mapapanood