Ipinakita nila Muhammad “CikuGais” Fuad at Todak ang puso ng mga Malaysian sa pamamagitan ng malupit na comeback laban sa Aura Fire ng Indonesia sa ikatlong araw ng ONE Esports Mobile Legends: Bang Bang Professional League Invitational 2022 (MPLI 2022).

Nakaamba nang umarangkada patungo sa madaling panalo ang Aura sa series decider pero hindi sumuko ang Todak sa pangunguna ng itinuturing na “Malaysian MLBB GOAT” na si CikuGais gamit ang kanyang Claude.


Sinindihan ni CikuGais ang comeback ng Todak laban sa Aura Fire

Credit: ONE Esports

Liyamadong-liyamado na ang Aura Fire sa mga unang bahagi ng do-or-die Game 3. Dala ng kanilang agresibong atake sa likod ng jungle Martis ni Jehuda Jordan “High” Sumual, sinunggaban ng Indonesian squad ang 7-0 kill score at 6K gold lead.

Pero nagsimula ang pagbawi ng Todak pagsapit ng 8-minute mark matapos lumusob si CikuGais at bumitaw ng Blazing Duet para makapitas sila ng dalawang kalaban sa mid lane. Unti-unting tinapyasan ng pambato ng Malaysia ang kalamangan ng Aura at nakaipon sila para mabili ang kanilang core items.



Sa sagupaang naganap malapit sa Lord pit sa 18 minuto, napuruhan ni CikuGais si High at Erico “GOD1VA” (Mathilda) gamit ang kanyang ultimate sabay kite sa mga ito. Mabilis namang rumesponde ang kanyang mga kakampi para patumbahin ang Martis at Mathilda kasama pa ang dalawang miyembro ng Aura bago sila rumekta sa mid para ipako ang come-from-behind win.

Walang duda na si CikuGais ang hinirang na MVP matapos siyang magtala ng 6/3/5 KDA (92% kill participation) at magpakawala ng mapaminsalang 133K damage. Pero higit pa sa mga numerong ito, ginising ng 21-year-old player ang never say die mentality ng Todak.

CikuGais Claude MVP
Screenshot ni Jeremiah Sevilla/ONE Esports

Umabante ang MPL Malaysia Season 10 runner-up para harapin ang kampeon ng MPL Singapore na RSG SG sa quarterfinals bukas ika-9 ng gabi.

Nagtapos naman ang Aura Fire sa 9th-12th place ng 20-team tournament at nakakuha ng premyong US$2,000 o nasa PHP117,000.

Para sa karagdagang balita sa esports at guides sa mga paborito niyong laro, i-like at i-follow ang ONE Esports Philippines sa Facebook.


BASAHIN: KyleTzy tinupad ang sinabing pagbawi para kay KarlTzy, Bren Esports sinipa ang EVOS Legends sa MPLI 2022