Patuloy ang pagpapakitang-gilas ng rookie jungler na si John “1rrad” Tuazon at batikang roamer na si Dylan “Light” Catipon ng RSG Philippines sa ONE Esports Mobile Legends: Bang Bang Professional League Invitational 2022 (MPLI 2022).
Sinipa naman kasi nila sa turneo ang kinatawan ng MPL Indonesia na Alter Ego, matapos ang pangingibabaw kontra Smart Omega noong simula ng kanilang kampanya, para makapasok sa quarterfinal.
1rrad at Light bumida sa panalo ng RSG PH kontra Alter Ego sa MPLI 2022
Dikdikan ang Alter Ego at RSG PH sa unang mapa ng serye. Maagang nagwala ang Yu Zhong ni Rafly “Pai” Alvareza Sudrajat matapos maka-Triple Kill noong ikalawang minuto ng bakbakan. Tangan nila ang maagang kalamangan, pero nabaligtad din ito ng mga Pinoy matapos selyuhin ang karamihan ng mga neutral objectives.
Tuluyang nakuha ng Alter Ego ang kumpas ng laban nang makapitas sila ng dalawang miyembro mula sa kalaban, bandang 17 minuto. Matapos din nito ay saka nila nakuha ang tanging Lord nila sa laban na tumapos sa mahabang game one.
Pareho ang kwento ng ikalawang mapa, pero nag-iba na ang bida. Dikit pa rin kasi ang bakbakan pero ang koponan na ni Light naman ang naka-alagwa sa tulong ng Leomord ni 1rrad at Lesley ni Kousei.
Nagtulong kasi ang dalawa para magtala ng pinagsamang 11 kills at 14 assists nang hindi namamatay. Ang rookie jungler din ang hinirang na MVP ng game two, dahil bukod sa perpektong KDA, natulungan niya rin ang kanyang koponan na maselyo ang lahat ng apat na Lord na lumabas sa laban.
Tangan ang momentum, tuluyan nang sinakop ng Raiders ang Alter Ego. Sulit na sulit ang lahat ng Way of Dragon initiation ng Chou ni Light, dahilan para mapitas ang pinaka-iniingatang Beatrix ng Alter Ego.
Bandang 13 minuto ng bakbakan, isang TikTok play mula sa kanyang Chou ang pumako sa kabaong ng kanilang kalaban. Nasipa muli ni Light ang pangunahing damage dealer para mabura ang tanging miyembrong may kakayahan para dumepensa sa kanilang death push.
Dahil sa kanilang panalo, makakaharap na rin ng Kingslayers ang Team HAQ, ang kampeon ng MPL Malaysia Season 10 nag puwersa para maglaglagan ang mga pambato ng Pilipinas na RSG PH at Smart Omega sa unang round ng turneo.
Nakatakdang ganapin ang kanilang bakabkan bukas, ikalima ng Nobyembre, 3:40 p.m. GMT +8. Maaaring subaybayan ang mga laban sa opisyal na Facebook, TikTok, Twitch, Twitter, at YouTube ng ONE Esports.
Para sa karagdagang balita sa esports at guides sa mga paborito niyong laro, i-like at i-follow ang ONE Esports Philippines sa Facebook.
BASAHIN: Baloyskie at Geek Fam ID tinalupan ang Orange Esports para makaharap ang BLCK sa MPLI 2022