Bumida si star roamer Joshua “Ch4knu” Mangilog sa kanyang signature Grock para mapadapa muli ng Smart Omega ang Nexplay EVOS, 2-1, at maselyo ang kanilang pwesto sa playoffs ng Mobile Legends: Bang Bang Professional League Philippines Season 10 (MPL PH S10).

Isang malupit na setup play mula kay “Chakmamba” ang nagbigay-daan upang matuldukan ng Barangay Omega ang reverse sweep sa napakaimportanteng serye para sa parehong koponan.


Ch4knu bumida sa kanyang Grock sa Game 3 at tinulak ang OMG patungong MPL PH S10 playoffs

Ch4knu
Credit: MPL Philippines

Nakuha ng Nexplay EVOS ang unang panalo sa likod ng magandang season debut ni Emanuel “Elpizo” Cervantes Candelaria gamit ang Lolita pero naitabla ng Smart Omega ang serye sa pangunguna ng Wanwan ni Kelra.

Maagang nakaarangkada ang OMG sa Game 3 dahil sa mabilis na pag-ikot nila Ch4knu (Grock) at kapitan Patrick “E2MAX” Caidic (Pharsa) sa mapa. Unti-unting nakabawi ang NXPE matapos masiguro ni Ken Louie “Kzen” Pile (Akai) ang huling dalawang Turtle at manakaw unang Lord.

Pero ‘di pumayag si Ch4knu na masayang ang tsansa na maselyo na agad ng MSC 2021 champions ang kanilang upuan sa playoffs. Sa huling team fight, pasensyosong nagtago ang 21-year-old roamer sa bush at hinintay ang perpektong pagkakataon para iuntog ang Wild Charge ultimate sa tatlong miyembro ng NXPE.



Agad namang sumunod at nagbuhos ng skills sina Dean “Raizen” Sumagui (Ling) at iba pa nilang mga kakampi para burahin ang buong NXPE at ipako ang 10-3 victory sa loob ng 17 minutong bakbakan.

Walang dudang si Ch4knu ang hinirang na MVP ng laro matapos siyang magtala ng malinis na 1/0/7 KDA (80% kill participation) at gawin ang series-winning play.

Screenshot ni Jeremiah Sevilla/ONE Esports

Umangat ang Smart Omega sa No. 4 hawak ang 19 puntos at tatapusin na lang ang kanilang natitirang dalawang laban para malaman kung sino ang makakaharap nila sa playoffs. Natulungan din nilang makapasok na ang ECHO sa playoffs gamit ang kanilang panalo sa Game 2.

Samantala, nanatili sa No. 7 ang Nexplay EVOS at lalong nanganib na malaglag agad sa playoff race. May 9 puntos ngayong ang Neon Tigers at kailangan nilang ipanalo ang tatlong huling serye nila kontra RSG PH, Bren Esports at ECHO.


Para sa karagdagang balita sa esports at guides sa mga paborito niyong laro, i-like at i-follow ang ONE Esports Philippines sa Facebook.

BASAHIN: BLCK gumanti ng walis sa ONIC para makabalik sa MPL PH S10 playoffs