Muling napabilang ang kategorya ng esports bilang medaled event sa 31st Southeast Asian Games. 10 medalya ang nakalaan sa kategorya mula sa walong laro—Mobile Legends: Bang Bang, League of Legends, CrossFire, Wild Rift, Free Fire, Arena of Valor, PUBG Mobile, at FIFA Online 4.

Gaya noong unang beses na napasama ang esports sa biennial sporting meet, hindi nagpahuli ang SIBOL, ang national esports team ng Pilipinas. Ngayong taon, nag-uwi ang koponan ng apat na medalya—dalawang ginto mula sa MLBB at Wild Rift Women’s Division, at dalawa pang pilak mula sa CrossFire at League of Legends.

Magkano ang cash incentives na matatanggap ng mga nanalong Pinoy sa 31st SEA Games?
Credit: SIBOL

Ayon sa Republic Act No. 10699, o National Athletes and Coaches Benefits and Incentives Act, ang mga national athlete at coach na lalaban at mananalo sa iba’t-ibang international sports competition, kasama ang SEA Games, ay pararangalan ng benepisyo at insentibo.

Ang cash incentives ng mga nanalong Pinoy athlete sa 31st SEA Games

Magkano ang cash incentives na matatanggap ng mga nanalong Pinoy sa 31st SEA Games?

Nakabase sa medalyang makukuha ng mga atleta ang premyo ng mga mananalong Pinoy athlete.

Ang sumusunod na premyo ay ayon lang sa nakasaad sa R.A. 10699, bukod pa ito sa mga bonus na maaaring matanggap ng mga atleta mula sa sponsors at iba pang organisasyon.

MEDALYACASH INCENTIVES
Gold₱300,000
Silver₱150,000
Bronze₱60,000

Para sa mga palarong may lima o higit pang miyembro sa isang koponan, gaya ng mga disiplina kung saan nakapag-uwi ng medalya ang mga miyembro ng SIBOL, makatatanggap ang bawat miyembro ng 25-pursyento (25%) ng cash incentive.

Sa ilalim naman ng Section 9 ng batas, maaari raw makatanggap ng cash incentive ang mga coach kung kaisa sila sa pagsasanay ng mga atleta o koponan sa nakalipas na anim na buwan bago ang kompetisyon.

Makatatanggap sila ng 50% percent depende sa medalyang nakamit ng atleta. Kung higit pa sa isa ang coach, paghahatian nila ang premyo.


Para sa karagdagang balita sa esports, at guides sa mga paborito niyong laro, i-like at i-follow ang ONE Esports Philippines sa Facebook.

BASAHIN: 31st SEA Games: Esports standings at bilang ng mga medalya