Sasakyan na ng BREN Esports ang 4-game win streak matapos patumbahin ang TNC Pro Team ML sa ikahuli nilang serye sa Week 5 ng MPL Philippines Season 10 regular season.

Hindi man naging pabor ang resulta ng opener para sa hanay ng koponan, hindi pinayagan ni Angelo “Pheww” Arkangel na mapurnada ang kanilang arangkada sa regular season standings. Ito ay karugtong ng brilyante niyang plays hawak ang Valentina sa magkasunod na game two at game three.


Pheww kumamada para sa BREN, pinagulong ang reverse sweep kontra TNC

Dikdikan ang naging labanan ng dalawang koponan partikular na sa deciding game three. Determinado ang TNC na maibaling ang momentum sa kanilang panig ng tangkain nilang kuhanin ang Luminous Lord sa ika-16 minuto.

Screenshot ni Calvin Trilles/ ONE Esports

Mistulang delubyo ang kalalabasan ng engkwentro para sa mga pambato ng “The Hive” ng ibato ni Ben “Benthings” Maglaque ang kaniyang Noumenon Blast para kontrolin ang mga kalaban. Ngunit, hindi pinayagan ni Pheww na magapi ang BREN sa kritikal na team fight nang pumihit siya ng sarili niyang bersyon ng control ability para baliktarin ang laban at mabuksan ang kanilang martsa sa base ng TNC.

Nagtala ang BREN veteran ng 2/2/10 KDA at 86% Kill Participation para hiranging MVP of the Game.

Screenshot ni Calvin Trilles/ ONE Esports

Bagamat nahawakan ng BREN ang malaking kalamangan pagdating sa team fights, matalino ang atake na pinagulong ng TNC na nilutas ang problema gamit ang split push sa game one.

Susi ang bottom lane push nina Mark “Kramm” Genzon Rustana (Paquito) at Robee Bryan “Yasuwo” Pormocille (Beatrix) sa ika-19 minuto ng laro para makuha ng Phoenix Army ang kontrol sa mapa at gawing nerbyoso ang kalaban sa pag-abante para sa objective-takes.

Screenshot ni Calvin Trilles/ ONE Esports

Kalaunan ay dito bumangko ang koponan para makuha ang importanteng game one tagumpay.

Pagdako ng game two ay swabeng Valentina ang isinalang ni Pheww para sagutin ang TNC. Katuwang si Rowgien “Owgwen” Unigo (Grock), kakaibang zoning at control threat ang iniambag ng support duo para puksain ang TNC sa loob lamang ng 11 minuto.

Nagtala ang midlaner ng malinis na 4/0/7 KDA habang 1/1/5 KDA naman ang ipinako ng katambal niyang rookie na kalaunan ay hinirang bilang MVP of the Game.

Screenshot ni Calvin Trilles/ ONE Esports

Sa panalo nito ng BREN, mapapahaba nila ang kanilang winstreak sa 4 at mas mapapalaki ang tiyansang makakuha ng spot papunta sa MPL PH playoffs.

Sa kabilang banda, babagsak ang TNC sa napakatarik na 1-8 record.

I-like at i-follow ang ONE Esports Philippines sa Facebook para sa pinakahuli sa MPL PH.

BASAHIN: BREN kumana ng 2-1 kontra ONIC PH, pagtitibayin ang tiyansang makabalik sa MPL PH playoffs