Hindi bigo ang fans sa nasaksihang bakbakan sa pagitan ng bigating teams na Bren Esports at Blacklist International para buksan ang Week 4 ng MPL Philippines Season 11.

Naghalinhinan ang dalawang teams sa mga larong kinalahukan, ngunit sa huli ay nanaig ang mga pambato ng The Hive na nilutas ang Blacklist, 2-0, para kuhanin ang ikalima nilang sunod na sweep sa gumugulong na regular season.

Credit: MPL Philippines

Tampok sa naturang serye ang debut games ng Wanwan na nahawakan ng Bren Esports sa dalawang laro, kaalinsabay pa ng cheese picks na Arlott at Julian na bagamat hindi unang pagkakataon na mailalabas sa Land of Dawn ngayong season ay gumulantang pa rin sa mga manonood.


Pheww sa Julian at Arlott picks ng Bren Esports sa Game 1 kontra Blacklist

Credit: MPL Philippines

Sa post-match interview, binigyang-linaw ng kapitan ng Bren na si Angelo “Pheww” Arcangel kung bakit isinalng ng kaniyang pangkat ang makabagong kombinasyon ng kaniyang Julian sa midlane at ng Arlott na ipinahawak kay David “FlapTzy” Canon sa EXP lane.

Kuwento ni Pheww, “Nung sa game 1 kasi ano eh, parang sobrang scaling kasi ng hero nila lalo na nung nag-pick sila ng Alice so binigyan lang namen ng pang-early na hero.”

Dalawa daw sa mga heroes na nasa isipan nila ay ang Julian at Arlott, na bago nila ilabas sa game one kontra Blacklist ay naisalang pa lamang ng magkasunod na dalawa at tatlong pagkakataon.

Credit: MPL Philippines

“Triny namen tapusin agad. Kasi kung tumagal pa ng 20 plus minutes ‘yun, mahihirapan na kame,” pagtutuloy ng beterano.

Kitang-kita naman ang epekto ng bagong-lutong kombinasyon ng heroes. Sa unang walong minuto ng laro ay nakapagtala na si Pheww ng 4/0/4 KDA habang si FlapTzy ay tumulong sa 3 assists kontra 1 death para buuin ang 9-1 tambak sa kill score.

Screenshot ni Calvin Trilles/ ONE Esports PH

Bagamat nakuha ang maagang kalamangan, tumindig ang koponan ng Tier One sa mga tagpo papunta sa late game. Gayunpaman, hindi na nagawa ng defending champions na harapin ang higanteng team fighting ng Bren na tinapos ang laban bago dumako sa 17 minuto.

Sinandalan ng The Hive ang tagumpay na ito para pihitin ang magnipikong game two para isarado ang serye at kalawitin ang ikalima nilang sweep sa Season 11.

Manatiling nakatutok sa mga balita ukol sa MPL PH sa pamamagitan ng pag-like at pag-follow sa Facebook ng ONE Esports Philippines!

BASAHIN: Para kay KarlTzy, ito ang team na hahamon sa kanilang tangka na sakupin ang MPL PH S11