Sa harap ng isa sa mga pinaka-kinatatakutang teams sa MPL Philippines Season 10, nanatiling matikas at disiplinado ang BREN Esports na kinalawit ang kanilang ika-anim na panalo sa gumugulong na regular season.
Mabibigyang-tibay ng koponan ang kanilang playoff bid karugtong ng pagpapadapa nila sa Blacklist International, 2-1, sa Day 2 ng Week 6 bakbakan.
Paquito ni Pandora bumida para sa BREN Esports
Bumangko ang BREN sa tikas ng Paquito ni Vincent “Pandora” Unigo sa game one at game three para ihatid ang panalo para sa The Hive. Partikular na ipinamalas ng EXP laner ang kaniyang husay sa decider kung saan muli’t-muli niyang pinakaba ang mga miyembro ng BLCK sa offlane push sa late game.
Bukod dito, matalinong positioning at kill threat ang dinala ng Paquito ni Pandora na epektibong tumulak sa koponan ng Tier One sa dehadong puwesto sa mapa. Hinirang na MVP of the game ang BREN pro matapos magtala ng 3/0/7 KDA.
Unang mapa pa lamang ay kitang-kita na ang epektong dala ng fighter kontra sa lineup ng Blacklist. Katuwang ang Atlas ni Rowgien “Owgwen” Unigo at Kadita ni Angelo “Pheww” Arcangel, hindi umubra ang BLCK sa control na dala ng support duo, habang sumimple si Pandora sa split push at kumuha ng kill opportunities sa backlines.
Tumba ang Blacklist sa ika-20 minuto ng laban kung saan pumako ang EXP laner ng perpektong 4/0/3 statline. Samantala, 0/4/18 naman ang inambag ni Owgwen at 5/4/7 naman ang inilista ni Pheww.
Bagamat nagapi sa opener ay hindi naman pinayagan ng Blacklist na mabilis na mapa-uwi mula sa ICITE Building. Magnipikong game two ang isinukli ng M3 World Champions sa likod ng Mathilda ng kapitan na si Johnmar “OhMyV33NUS” Villaluna.
Swabeng targeting at team fight initiation ang pinihit ng The Queen para patahimikin ang “The Hive” sa ikalawang sultada, kung saan epektibo niyang binigyan ng espasyo si Kiel Calvin “OHEB” Soriano para kumana gamit ang bagong-luto na Melissa. Nagtala ang kalahati ng V33Wise duo ng matinding 3/1/9 KDA para itabla ang serye sa loob ng 17 minuto.
Sinubukan muli ng BLCK na isalang ang Mathilda Airforce pagdako ng ikatlong mapa ngunit hindi pareho ang naging resulta nito. Malaking bahagi muli ang ginampanan ni Pandora at Owgwen sa closer para mapurnada ang inaasam na playoff berth ng katunggaling team.
Sa panalo, makakaipon na ang BREN ng 16 points para mapanatili ang kanilang tiyansa na makalahok sa playoffs sa susunod na mga linggo. Sa kabilang bahagi, bababa naman sa 6-4 katumbas ng 19 points ang BLCK.
I-check out ang latest sa MPL PH sa Facebook page ng ONE Esports Philippines!
BASAHIN: Julian ni KarlTzy kumamada, ECHO pinatumba ang Smart Omega 2-0