Nagbatid ng pamamaalam ang BREN Esports sa tatlong miyembrong bumuo sa kanilang roster noong nagdaang Mobile Legends: Bang Bang Professional League Philippines Season 10 (MPL PH S10).

Sa isang social media post ipinadaan ng koponan ang pagsasapubliko sa desisyong pakawalan sina Vincent “Joy Boy” De Guzman, Kenneth “Saxa” Fedelin, at Dale “Stowm” Vidor bago sumabak sa susunod na season ng liga.

Sabay-sabay pumasok ang mga manlalaro noong ikasiyam na season ng MPL PH. Bagamat mas matagumpay ang naging kampanya ng BREN Esports noong nakaraang season, bigo naman makapagpakitang-gilas ang mga lumisang players dahil iilan lang ang pagkakataong naisabak sila sa laban.

3 miyembro ng BREN Esports pinakawalan sa kanilang MLBB roster
Credit: ONE Esports

“We’re glad to have witnessed your growth from your humble beginnings to your full-fledged strengths and talents. We wish you the best on the new chapter of your pro gaming journey,” sulat ng BREN Esports sa kanilang pamamaalam.



Ang susunod para sa mga lumisang miyembro ng BREN Esports

3 miyembro ng BREN Esports pinakawalan sa kanilang MLBB roster
Credit: BREN Esports

Bago ianunsyo ng BREN Esports ang pagbabago sa kanilang MLBB roster, namataang naglalaro sina Saxa at Stowm sa isang koponang nagngangalang BIG FOUR, kasama ang mga active members ng TNC Pro Team na sina Jomarie “Escalera” Delos Santos, Mark “Kramm” Rusiana, at Robee “Yasuwo” Pormocille.

Naka-qualify ang koponan sa TNC Cup 2022, isang turneo na tumatakbo simula pa noong Nobyemre at magtatapos sa grand final na nakatakdang iraos sa ika-15 hanggang ika-16 ng Disyembre.

Kasama nilang nakalagpas sa ika-apat na qualifier ng turneo ang Speed Depot, kung saan tampok ang isa pang miyembro ng Phoenix Army na si Ben “Benthings” Maglaque.

3 miyembro ng BREN Esports pinakawalan sa kanilang MLBB roster
Credit: TNC Events

Matatandaang kamakailan ay nagpawala rin ng dalawang miyembro mula sa kanilang roster ang TNC. Lumipat sa amateur team na Z4 Pegaxy ang dati nilang jungler na si Daniel “SDzyz” Chu, habang hindi pa tukoy ang susunod na hakbang ni Salman “KingSalman” Macarambon.

Samantala, nakatakda pa ring ianunsyo nang opisyal ang susunod na koponan nina Saxa, Stowm, at Joy Boy, maging kung pupunan ba ng BREN Esports ang puwang na maiiwan ng mga nabanggit na manlalaro sa kanilang roster.


Para sa karagdagang balita sa esports at guides sa mga paborito niyong laro, i-like at i-follow ang ONE Esports Philippines sa Facebook.

BASAHIN: Listahan ng roster changes sa MPL PH Season 11