Pinangunahan ni rookie roamer Rowgien “Owgwen” Unigo ang malinis na 2-0 sweep ng Bren Esports kontra Smart Omega sa bwena manong serye ng Week 8 sa Mobile Legends: Bang Bang Professional League Philippines Season 10 (MPL PH S10).
Nagpamalas ng Atlas masterclass si Owgwen na nagtala ng perpektong KDA record sa parehong laban kahit pa katapat niya ang isa sa pinakarespetadong tank-roamer ng liga na si Joshua “Ch4knu” Mangilog.
Sa likod ni Owgwen, inilista ng Bren ang kanilang ikatlong sunod na panalo at pinutol naman ang 3-match winning streak ng Omega. Pinanatili rin nila ang maliit na tsansang makasunggab ng top 2 spot na may kaakibat na playoffs upper bracket slot.
Bumida ang Atlas ni Owgwen sa 2-0 sweep ng Bren Esports laban sa Smart Omega
Liyamado pa ang Smart Omega sa mga unang minuto ng Game 1 ngunit napitas si Patrick “E2MAX” Caidic (Pharsa) sa mid bush dala ng Fatal Links setup ni Owgwen at damay pa si Ch4knu kaya libreng nakuha ng Bren Esports ang ikalawang Turtle. Mula dito ay ‘di na napigilan ang pag-arangkada ng The Hive.
Sa panapos na clash sa base ng Omega, binasag ng 21-year-old roamer ang tangka ni E2MAX na dumepensa gamit ang Feathered Air Strike ultimate sabay hinuli ang Balmond at Masha para tuluyan nang maipako ng Bren ang 10-4 win. Kumana so Owgwen ng 0/0/9 KDA sa panalo na nakuha nila sa loob ng 17 minuto.
Napasakamay muli ng dating SV Empire standout ang kanyang Atlas sa sumunod na laro at nagpakitang-gilas na naman sa tank hero. Dahil sa kanyang matinding pangzo-zone out at panggugulo, nasiguro ni kapwa rookie Kyle “KyleTzy” Sayson (Julian) ang tatlong Turtle objectives.
Sa team fight para sa unang Lord, maaga niyang na-bait ang Cult Altar ultimate ng Faramis at ‘di hinayaang makalapit ang jungle Aamon. Matapos makitil ni KyleTzy ang Lord, na-kite naman ni Owgwen si Kelra at nadamay pa si Ch4knu na nagresulta sa 4-for-1 exchange.
Kasama ang Lord, sinelyo nila Owgwen at Bren ang sweep sa pamamagitan ng dominanteng 15-4 victory sa 12-minute mark. Muli, hindi na naman namatay ang rookie roamer matapos tumikada ng 2/0/10 KDA.
Pansamantalang umangat ang Bren Esports kasama ang ONIC PH sa No. 4 dala ang 21 puntos. May tsansa pa silang masungkit ang top seed, ‘yon ay kung mahirapan ang kasalukuyang top teams na ECHO at Blacklist International sa huling linggo.
Samantala, nagtapos na ang kampanya ng Smart Omega sa regular season hawak ang 22 puntos sa No. 3. Maaari pang bumaba ang standing ng OMG depende sa makukuhang resulta ng ibang koponan.
Para sa mga balita sa esports at gaming, i-like at i-follow ang ONE Esports Philippines sa Facebook.