Magkakaroon ng pagkakataon ang BREN Esports na patunayan muli na #BrenLangMalakas sa paparating na MPL Philippines Season 10 Playoffs. Ito ay karugtong ng kanilang tagumpay kontra sa defending champions RSG Philippines, 2-1, sa ikalawang araw ng Week 7 ng liga.

Sentro sa atake ng BREN ang Magic build Bane ni Angelo “Pheww” Arcangel na nagpasabog ng sandamukal na AOE damage para tulungan ang kaniyang grupo na manakaw ang importanteng panalo sa decider.


Pheww, BREN tumindig kontra RSG PH

Credits: MPL Philippines

Dikdikan ang naganap sa tapatan ng dalawang bigating teams, ngunit magilas na play ni Pheww sa Bane at Michael “KyleTzy” Sayson sa Benedetta ang tuluyang nagbigay ng kalamangan para sa kanilang hanay.

Screenshot ni Calvin Trilles/ ONE Esports

Wagi ang rookie jungler sa retribution battle kontra sa Akai ni Johnard “Demonkite” Caranto sa ika-16 minuto ng laro, habang kakaibang micro skills ang ipinamalas ng kapitan ng BREN sa kasunod na engkwentro para tulungang mapitas ang dalawang miyembro ng RSG PH. Dahil sa importanteng Lord take ay nabuksan ang lanes sa pabor sa BREN para tuluyang magmartsa papunta sa 2-1 panalo.

Hinirang na MVP si Pheww pagkaraang pumako ng 7/3/6 KDA hawak ang offmeta hero.

Screenshot ni Calvin Trilles/ ONE Esports

Samantala, parehong gilas ang ipinakita ni KyleTzy sa ikaunang mapa ng serye hawak naman ang Paquito. Kawangis ng naganap sa decider ay mahalagang Lord objective din ang nakalawit ng rookie katuwang ang 1 for 3 trade pabor sa kaniyang hanay sa ika-18 minuto.

Ngunit bago ito maselyo ng BREN jungler ay una munang bumida si Marco “SUPER MARCO” Requitano na magilas na hinawakan ang Melissa sa opener. Kahit pa matinding pressure ang ipinarating ng RSG PH sa gold laner sa nasabing Lord dance ay hindi nagawa ng Raiders na makitil ang marksman.

Screenshot ni Calvin Trilles/ ONE Esports

Matalinong map movement at henyong activation ng skills ang ipinamalas ni SUPER MARCO kahit pa tinutugis ng mga miyembro ng RSG. Kalaunan ay tumulong pa ang Melissa na i-pressure ang base na epektibong tumapos ng laro. Hinirang na MVP ang gold laner na naglista ng 77k damage dealt at 4/2/5 KDA.

Bagamat nagapi sa serye ay hindi ginawang madali ng RSG PH na makuha ang inaasam na playoff spot. Ipinaramdam ng reigning MVP ng liga na si Dylan “Light” Catipon ang kaniyang kamandag sa Atlas nang bunutin niya ang Karrie ng BREN para maiskor ang importanteng kill sa ika-19 minuto ng game two.

Screenshot ni Calvin Trilles/ ONE Esports

Pumukol si Light ng swabeng 1/5/21 para hirangin namang MVP of the game sa nag-iisang panalo ng RSG PH sa serye.


Sa tagumpay makakabalik na muli ang BREN Esports sa playoffs. Kasulukuyan silang may 7-5 record katumbas ng 18 points, habang ang RSG PH ay nakabuntot sa kanila na may parehong points.

Sundan ang pinakahuli sa MPL PH sa pamamagitan ng pagsubaybay sa Facebook ng ONE Esports Philippines.

BASAHIN: Ch4knu dinala ang OMG sa MPL PH S10 playoffs; NXPE lalong nanganib na malaglag