Mapapasakamay ng BREN Esports ang momentum at kumpiyansa sa kanilang play papunta sa MPL Philippines Season 10 playoffs. Ito ay matapos nilang gapiin ang Nexplay EVOS, 2-1, upang makalawit ang four-game winning streak at umarangkada sa upper half ng regular season standings.

Susi ang plays ni Vincent “Pandora” Unigo na hinawakan ang Esmeralda at Paquito sa huling dalawang laro ng Week 8 Day 2 serye para tulungan ang kaniyang team makumpleto ang reverse sweep.


Pandora, BREN pumihit ng reverse sweep kontra NXPE

Credit: MPL Philippines

Bagamat nanakawan nina Jeniel “YellyHaze” Bata-anon ang BREN sa game one ng serye ay hindi na lumingon pabalik ang mga pambato ng “The Hive” na pumihit ng dalawang magkasunod na panalo para iselyo ang kanilang ika-apat na panalo sa apat na laro.

Sumandal ang mga naka-dilaw sa Esmeralda ni Pandora na dinomina ang EXP lane kontra sa Lapu-Lapu ni Renejay “RENEJAY” Barcase na nagbigay ng puwang para sirain ni Marco “SUPER MARCO” Requitano ang late game ng NXPE.

Screenshot ni Calvin Trilles/ ONE Esports

Wasak ang Neon Tigers sa Clint ni SUPER MARCO na pumukol ng perpektong 4/0/0 KDA para hiranging MVP of the game. Bagamat hindi nakuha ni Pandora ang indibidwal na gantimpala ay kitang-kita ang impact ng kaniyang tank/mage na muli’t-muling prumonta para sa BREN at bumugaw sa kanilang damage dealers.

Kasing-gilas ang ipinakita ng BREN EXP laner sa decider hawak naman ang komportableng Paquito pick. Kahit pa nakontra ng Phoveous sa draft ay hindi natinag ang 19-anyos na nanatiling matikas sa dead lane, at pagdako ng huling bahagi ng laro ay ipinamalas niya ang tunay na lakas ng fighter.

Screenshot ni Calvin Trilles/ ONE Esports

Habang sinusubukan ng BREN na sumalaksak sa loob ng base sa ika-13 minuto ay pinataob ni Pandora ang Irithel at Valentina ng kalaban para ilista ang double kill. Bagamat namatay din ang kaniyang hero sa proseso ay nagawa naman niyang pilayan ang Neon Tigers para hindi na masalag ang huling bira ng BREN.

Screenshot ni Calvin Trilles/ ONE Esports

Nagtala ang EXP laner ng 4/1/1 KDA para makuha ang nararapat lang na MVP of the game award.

Bukod sa four-game winning streak ay makukuha din ng BREN ang 2 points para kumpletuhin ang kanilang 23 total points ngayong season, sapat para umangat sa top half ng regular season standings.

Samantala, babagsak naman ang NXPE sa 2-10 record katumbas ng 10 points.

I-like at i-follow ang ONE Esports Philippines sa Facebook para sa pinakahuling balita tungkol sa MPL PH.

BASAHIN: RSG PH kinumpleto ang season sweep kontra ECHO, pumihit ng 2-1