Natapos ang masalimuot na kampanya ng TNC sa Mobile Legends: Bang Bang Professional League Philippines Season 10 (MPL PH S10) sa pamamagitan ng 0-2 sweep sa kamay ng Blacklist International.

Mula sa paglipad patungong 3rd place noong nakaraang season, bumulusok ang Phoenix Army sa ilalim ng liga matapos makakuha lang dalawang panalo sa 14 na serye sa kasalukuyang regular season.

Bilang mga taong nakaranas na hindi lang ng matatamis kundi ng mapapait ding karanasan sa Mobile Legends pro scene, nagpaabot ng motivational words sina Blacklist International head coach Kristoffer “BON CHAN” Ricaplaza at star jungler Danerie James “Wise” Del Rosario para sa TNC.


Ang mensahe nila Coach BON CHAN at Wise para sa TNC matapos ang kampanya nito sa MPL PH S10

TNC at Blacklist International
Credit: TNC

Sa press conference pagkatapos ng kanilang serye sa Week 8 Day 2, inamin ni Coach BON CHAN na naging tagahanga siya ng Phoenix Army noong Season 9 at hiling niya na maibalik nila ang kanilang apoy sa susunod na season.

“Ako honestly noong Season 9 naging fan nila ako dahil may pagka-unique din talaga ‘yung mga plays na ginagawa nila. Sana makabalik sila sa winning form next season and lahat naman siguro ng mga players dumadaan sa pagkatalo. Hindi ibig sabihin na nalaglag na sila ay katapusan na ng career nila,” sabi niya.

Ginawa ring ehemplo ni BON CHAN ang sarili niyang koponan, na nagsimula sa ibaba at dumaan sa iba’t-ibang karanasan bago makamit ang tagumpay na tinatamasa nila ngayon.

“Pwede nilang i-consider na ito pa lang ‘yung simula dahil sa pagkakalaglag nila ‘yun pa ‘yung magpapalakas sa kanila which is proven na namin na the more na natatalo kami, the more na marami kaming learnings, the more na mas lumalakas kami. Good luck sa kanila sa next season.”

Credit: MPL Philippines

Maging si Wise ay naghain ng kanyang wais na payo para sa mga bagito ng TNC, na karamihan ay nasa ikalawang season pa lang sa liga.

‘Di man nakaharap ng respetadong jungler ang koponang pinangungunahan ni Ben “Benthings” Maglaque sa Season 9 dahil nagpahinga sila ni Jonmar “OhMyV33nus” Villaluna, batid niya ang lakas nila noon at hangad niya na makabawi sila.

“Masasabi ko lang, lahat ng tao natatalo rin kahit ‘di sa Mobile Legends. Kaya bawi lang nang bawi,” wika ni Wise.

Credit: ONE Esports

Sa post-match interview sa kanilang Facebook page, nagpasalamat ang TNC sa kanilang fans na hindi bumitaw sa pagsuporta at naghain din ng nakakaganyak na mensahe para sa koponan. Inilahad din dito ni coach Paulo “413” Sy na maraming posibleng pagbabago na gagawin para sa Season 11, kabilang ang pagkakaroon ng 10-man roster.

Sa ngayon, magpapahinga muna ang Phoenix Army bago simulan ang kanilang paghahanda para sa muli nilang paglipad.

Para sa mga balita at guides patungkol sa MLBB at iba pang esports titles, i-like at i-follow ang ONE Esports Philippines sa Facebook.