Dala ang kanilang pamosong UBE (Ultimate Bonding Experience) strategy na nakaangkla sa healing meta, gumawa ng kasaysayan sina coach Kristoffer “BON CHAN” Ricaplaza at Blacklist International bilang kauna-unahang koponan na sasabak sa M Series grand finals sa ikalawang sunod na pagkakataon.

Muling pinaamo ng Blacklist ang ECHO sa kanilang MPL Philippines Season 10 rematch na ginanap sa upper bracket finals ng M4 World Championship sa Tennis Indoor Stadium sa Jakarta, Indonesia.

Tunay na matagumpay ang Codebreakers gamit ang kanilang healing meta na pinangungunahan ng Estes ni Jonmar “OhMyV33nus” Villaluna. Pero hindi lahat ay fan nito, at sa katunayan nga ay tinawag ito ni The Valley jungler Michael “MobaZane” Cosgun na “very boring”.

Credit: Moonton

“The meta is very strict and it is a good strategy, What Blacklist pulls off where four or five members just rotate around with each other and move together as a unit, taking buffs, taking Turtles, and all that. But it makes the meta very boring,” saad ni MobaZane sa isang post-match press conference.

“Ever since M3, it has pretty much the same heroes, which I know a lot of the players hate,” dagdag pa ng American pro.

Sa eksklusibong interbyu ng ONE Esports, nagbigay naman ng reaksyon ni Coach BON CHAN maging ni jungler Danerie James “Wise” Del Rosario patungkol sa opinyon ni MobaZane matapos ang kanilang 3-2 panalo kontra ECHO.


BON CHAN: ‘Yung ganun ka-boring na strat, ‘yun ang nagdala sa’min dito

Credit: Moonton

Hindi naman itinatanggi ni Coach BON CHAN na may punto si MobaZane. Pero pagdidiin niya, ang UBE strat na pinapagana ng healing playstyle ang nagbigay sa kanilang ng napakaraming karangalan sa local at international level.

“Boring naman talaga kung ‘di ka willing tiyagain ‘yung panalo sa ganong way. Pero ‘yung ganun ka-boring na strat, ‘yun ang nagdala sa’min dito eh,” wika ng isa sa mga utak ng matagumpay na taktika sa eksklusibong panayam ng ONE Esports.

“‘Yun ang nagdala sa’min kung paano namin nakuha ‘yung M3 championship. ‘Yun ang nagdala sa’min kung paano namin nakuha ‘yung three MPL championships. And ‘yun ang nagdala sa’min kung paano kami nakarating ulit sa finals dito. So, it’s up to him. It’s boring, it’s okay. At least nasa finals kami.”

Credit: Moonton

Halos pareho rin ang sentimiyento ni Wise patungkol sa opinyon ni MobaZane.

“‘Di ko made-deny na paulit-ulit kasi naming ginagamit for 2 years na rin. And ‘di ko rin masisisi kasi sa 2 years na ‘yun lagi kaming nasa international stage tapos lagi pa kaming nasa grand finals gamit ‘yung strat na ‘yun. Sana i-ban na lang ng kalaban namin para ‘di na lumabas.”

Naniniwala si BON CHAN na ang kanilang trademark UBE pa rin ang magtutulak sa kanila patungo sa makasaysayang back-to-back titles sa M Series. Maliban na lang kung mag-adjust ang kanilang kalaban sa championship series.

“Of course, siyempre UBE pa rin. Unless, bigyan nila ng pansin para i-ban ‘yung mga signature heroes namin eh maiiba.”

Nakatakdang harapin ng Blacklist International ang mananalo sa pagitan ng ECHO at RRQ Hoshi sa grand finals. Gaganapin ito sa Linggo, ika-15 ng Enero, 6:30 ng gabi (oras sa Pilipinas).

I-like at i-follow ang ONE Esports Philippines sa Facebook para sa Mobile Legends news, guides at updates.