Bagamat nahirapan sa mga unang araw, sinabi ni SIBOL MLBB head coach Kristoffer “BON CHAN” Ricaplaza na nakakapag-adjust na sila sa mga bagay-bagay sa International Esports Federation World Esports Championship 2022 (IESF WEC 2022) na ginaganap sa Bali, Indonesia.

Ito ang inilahad ng respetadong coach ng Blacklist International sa isang eklusibong interbyu ng ONE Esports. Partikular sa mga bagay na ito ang uri ng cellphone na ginagamit sa kompetisyon, na malaki umano ang pagkakaiba sa karaniwang pinaglalaruan ng koponan.


BON CHAN sa problema sa cellphone: ‘Ayaw naming gawin ‘yun na reason’

BON CHAN at V33Wise SIBOL MLBB SEA Games 2022
Credit: SEA Games

Ilang oras matapos makalasap ng 0-2 pagkatalo ang SIBOL MLBB sa karibal na Indonesia sa unang round ng torneo, nag-post si Coach BON CHAN sa Facebook at humingi ng tulong sa kung sinong pwede magpahiram ng cellphone na katulad ng ginagamit sa kompetisyon. Sinabi niya rin na “ibang model ginagamit namin during practice then iba ang ginagamit sa official tourna.”

Sa panayam ng ONE Esports, inilarawan ni BON CHAN kung gaano kalaki ang pagkakaiba nito sa nakasanayan na nilang device.

“Sabihin na lang natin na nabawasan ‘yung mechanical skills nila nang mga 40% dahil sobrang iba talaga. Mabigat ‘yung ginagamit dun samantalang ‘yung cellphone na ginagamit namin na tipikal ay magaan. Then ‘yung length, ‘yung width, iba rin. And then, ‘yung frame rate, sobrang iba.”

Inihalintulad niya pa ito sa isang insidenteng naganap sa NBA. “Parang ‘yung nangyari kay (Steph) Curry. May laban sila na iniba ‘yung taas ng ring. ‘Yung slight na kaibahan na ‘yun, ang laking difference sa kanya kaya napansin agad niya.”

Credit: Moonton

Sa kabila nito, idiniin niya na hindi nila ito ginagawang rason sa resulta ng kanilang unang laban.

“Pero ayaw naming gawin ‘yun na reason. Siyempre nasa amin pa rin kung paano kami mag-a-adapt sa device na ginagamit.”

Pagkatapos naman ng magkasunod na 2-0 sweep kontra Argentina at Malaysia para masiguro ang tansong medalya, nagpasalamat si BON CHAN sa mga nagpahiram sa kanila ng cellphone.

“Maraming salamat sa mga nagpahiram ng CP. Dumating kaninang umaga at nagamit agad nila. Sobrang laking tulong at difference na kung ano ginagamit sa practice ‘yun din ang gamit sa official match. Babawian natin ang dapat bawian!” ani niya sa Facebook.

Bukod pa sa device, sinabi rin niya na nakaka-angkop na sila sa klima at kahit papaano sa pagkain sa Indonesia, na inilarawan niya bilang “puro maaanghang at maluya.”


Kumpyansa si BON CHAN sa tsansa ng SIBOL MLBB na magkampeon sa IESF 2022

Credit: ONE Esports

Buo pa rin ang kumpyansa ni Coach BON CHAN na makakaya nilang gapangin ang lower bracket patungo sa grand finals kung saan nakaabang na ang koponan ng host country.

“Siyempre mataas (ang confidence sa lower bracket) dahil nakakuha na kami ng sunod-sunod na panalo.”

Sa tsansa namang masungkit ang gintong medalya na may kalakip na premyong US$50,000 o mahigit PHP2.7 milyon, wika niya: “Siyempre nandun pa rin ‘yung data na hanggang sa ngayon wala pa ring team na nakakatalo sa amin nang dalawang beses.”

Sasalpukin ng SIBOL MLBB ang Cambodia na kinakatawan ng Impunity KH sa lower bracket finals na isasagawa sa ika-10 ng Disyembre.

Para sa karagdagang balita sa esports at guides sa mga paborito niyong laro, i-like at i-follow ang ONE Esports Philippines sa Facebook.