Humaba pa ang mahaba nang listahan ng mga napagtagumpayan ng Blacklist International matapos silang hirangin bilang kampeon ng Mobile Legends: Bang Bang Professional League Philippines Season 10 (MPL PH S10).
Gayunpaman, inamin ng coach ng koponan na si Kristoffer Ed “BON CHAN” Ricaplaza na malaki ang pinagkaiba ng nakamit nila ngayon kesa sa mga nauna nilang tagumpay. ‘Di raw kasi tulad ng dati, puro ‘Blacklist’ na raw ang nakaharap nila sa kahabaan ng kanilang naging kampanya.
Coach BON CHAN: “Itong Season 10 ang pinakamahirap”
Sa lahat daw ng mga kampeonatong naselyo ng Blacklist International, inamin ng dekoradong coach na itong pinakahuli ang pinakamahirap.
“Hindi natin maipagkakailang ito, itong season 10 ang pinakamahirap dahil kagaya ng panay naming sinasabi, lahat ng teams nag-step up, lahat tumaas ang standards,” kwento ni BON CHAN.
‘Di tulad ng mga nauna nilang kampanya, nagkaroon ng pagkakataong napatalsik sa tugatog ng standings ang Codebreakers. Naisahan din sila ng mga koponang gaya ng ONIC Philippines, ECHO, Smart Omega, BREN Esports, at RSG Philippines sa kahabaan ng walong linggong regular season.
“Sabi nga ni Boss Tryke dati, lahat naging Blacklist—parang kalaban na rin namin lahat Blacklist. So kailangan namin ma-exceed ‘yung limit namin para matalo namin ‘yung kapwa namin Blacklist na naging standard noong Season 10. Kailangan naming mag-150% o 200% kung kailangan, para maabot namin yung championship na ‘to dahil sobrang hirap talaga.” dagdag ni Coach BON CHAN.
Gayunpaman, nanatili pa ring totoo ang pahayag nilang hindi pa sila natatalo sa parehong koponan sa isang season simula noong sumali sina Johnmar “OhMyV33nus” Villaluna at Danerie James “Wise” Del Rosario sa kanilang koponan.
Sa pag selyo ng Blacklist International sa ikatlo nilang kampeonato sa MPL, nakuha rin nila ang pagkakataon na depensahan ang kanilang titulo sa M4 World Championship. Sila pa lang ang koponang makakagawa nito sa kasaysayan ng liga.
Para sa karagdagang balita sa esports at guides sa mga paborito niyong laro, i-like at i-follow ang ONE Esports Philippines sa Facebook.
BASAHIN: OhMyV33NUS inaming nais makakampi si Yawi: ‘Sobrang napabilib niya ako’