Nang ianunsyo nina Jonmar “OhMyV33NUS” Villaluna at Danerie “Wise” Del Rosario na liliban muna sila sa kampanya ng Blacklist International noong MPL Philippines Season 9, maraming miron ang nagulumihanan sa pasya ng duo.

Ngunit sa kanilang pagbabalik sa sumunod na season, ipinakita ng hari at reyna ng MPL PH ang katuturan ng desisyon. Nanumbalik sa rurok ng liga ang koponan ng Tier One para sa kanilang ikatlong tropeyo, katuwang ang tiket papunta sa M4 World Championship kung saan nakarating sila sa bingit ng back-to-back world titles.

Credit: ONE Esports

Umaasa ang Blacklist na pareho ang matatagpuan nilang resulta sa pagliban ng ilang mahahalagang piyesa sa kanilang championship runs ngayong Season 11.


BON CHAN inilahad ang dulot ng pagpapahinga mula sa kumpetisyon

Credit: Moonton

Sa isang eksklusibong panayam kasama ang ONE Esports Philippines, inilahad ni BON CHAN kung bakit maigi ang pagkuha ng panahon para mamahinga mula sa kumpetisyon.

Aniya, “Mahalaga ang break lalo na kung marami kayong nakuhang achievements because of hardwork dahil worth it talaga magpahinga at ienjoy lahat ng pinaghirapan nyo.”

Matatandaan na bukod sa dominasyon ng team sa MPL PH at partisipasyon sa M World Series, mga manlalaro din ni Coach BON CHAN ang nagpangibabaw sa Pilipinas sa 31st Southeast Asian Games (SEA Games) Mobile Legends: Bang Bang tournament at sa 14th IESF World Esports Championship sa ilalim ng bandera ng SIBOL.

Credit: SIBOL

Dagdag pa ng bantog na coach, mainam rin daw ito para makahanap ng panibagong gutom at manumbalik ang gigil sa laro.

Kabilang sa magpapahinga muna ngayong MPL PH Season 11 sina BON CHAN, ang midlaner ng team na si Salic “Hadji” Imam, ang analyst at pro na si Mark “Eson” Gerardo, at ang general manager ng team na si Elrasec “Rada” Ocampo.

Credit: Blacklist International

Samantala, magiging substitute player muna ng Blacklist si Edward “EDWARD” Dapadap, habang ang M3 Most Valuable Player na si Kiel Calvin “OHEB” Soriano ay bibida muna sa developmental team ng organisasyon na Blacklist Academy.

Sundan ang pinakahuli sa MLBB sa pamamagitan ng pag-like at pag-follow sa ONE Esports Philippines sa Facebook.

BASAHIN: Sasandal ang Blacklist sa bagong-pormang lineup na ito para depensahan ang korona sa MPL PH S11