Pinaalala muli ng Blacklist International sa mga miron kung bakit sila ang koponang dapat katakutan sa gumugulong na M4 World Championship. Ito ay pagkaraan nilang apulain ang pagbaga ng Incendio Supremacy sa unang best-of-one na tinanghal sa Group Stage.
Sinubukang sandalan ng mga taga-Turkey ang pamatay na draft tampok ang Atlas, jungler Guinevere at makamandag na Yu Zhong para kontrolin ang pamosong stratehiya ng Blacklist. May pagkakataon sana ang INC na mailubog ang kalaban sa midgame ngunit henyong counterattack ang pinagulong ng koponan ng Tier One sa ika-12 minuto ng laro.
Giba ang lima ng Incendio sa krusyal na team fight sa midlane na nagresulta sa 2 for 5 trade pabor sa hanay ng Blacklist.
Nanguna sa atake ng defending champions si Danerie “Wise” Del Rosario na pinakitaan ang mga kalaban gamit ang jungler Valentina. Hinirang na MVP of the Game si King Wise na pumukol ng perpektong 3/0/6 KDA, 774 gold per minute, katuwang pa ng mga krusyal na retribution plays sa Turtle fights.
Wise, Blacklist mas handa na daw kontra sa YZ picks
Maaalala na partikular na nagpahirap sa Blacklist sa gumulong na IESF 14th World Esports Championships ang Yu Zhong picks ng Team Indonesia na kalaunan ay ang nagpadapa sa kanila sa Grand Finals.
Ngayong sinimulan ulit ang pagpili ng fighter hero kontra sa kaniyang team, hindi itinanggi ni Wise ang pananaw niya tungkol dito.
Aniya sa post-game press conference, “I think, the Yu Zhong in IESF, we learned a lot from that game.”
At kahit pa dalawang magkaibang players ang humawak nito sa magkaibang pagkakataon, pareho naman daw magaling sina Rizqi “Saykots” Damank ng EVOS Legends at sa nakatapat na si ABariş Ali “Alien” Çakir ng INC.
Ngayon lang daw, banggit ni Wise, “I think we’re much better at this M4 tournament.”
Susubukang pag-ibayuhin ng Blacklist ang kanilang tiyansa na makalawit ang top spot sa Group A sa mga susunod na matchups kontra sa BURN x FLASH at Falcon Esports.
Sundan ang kampanya ng Blacklist sa M4 sa pamamagitan ng pag-like at pag-follow sa ONE Esports Philippines sa Facebook.
BASAHIN: Coach Zico hindi makadadalo onsite sa M4 Group Stage, magdradraft online para sa BURN x FLASH