Blacklist International ang unang team na makakaselyo ng slot papunta sa prestihiyosong M4 World Championships sa Enero. Ito ay karugtong ng demolisyon na pinagulong nila para walisin ang ECHO, 3-0 sa upper bracket finals ng MPL Philippines Season 10 playoffs.

Pumalo ang bagong-lutong jungler Fredrinn at Guinevere ni Danerie “Wise” Del Rosario na sentro ng balansadong atake ng M3 World Champions upang magulantang ang Orcas na hindi nakapalag sa krusyal na serye.


Blacklist ginapi ang ECHO, magbabalik sa M4

Creidt: MPL Philippines

Nagpalitan ng tira ang dalawang teams para buksan ang importanteng upper bracket serye. Bagamat hindi inasahan ng ECHO ang jungle Fredrinn ni Wise ay dikdikan ang naging bakbkan hanggang late game. Bumangko ang Blacklist sa isang krusyal na team fight win sa ika-24 minuto nang mapitas nila sina Karl “KarlTzy” Nepomuceno at Sanford “Sanford” Vinuya (Esmeralda).

Ito ang nagbigay ng puwang para makuha ng koponan ng Tier One ang Lord objective at ang sumunod na death push sa sumunod na minuto. Solidong 3/2/11 ang ipinako ni Wise, habang halos perpektong 2/1/10 naman ang inilista ni Salic “Hadji” Imam na hinirang na MVP of the game.

Screenshot ni Calvin Trilles/ ONE Esports

Pareho ang init na naganap sa ikalawang sultada, ngunit sa pagkakataong ito ay Guinievere naman ni Wise ang panggulat na inihanda ni Kristoffer “Coach BON CHAN” Ricaplaza. Katuwang ang nagbabalik na Pharsa at Diggie ni Hadji at ni Johnmar “OhMyV33NUS” Villaluna, hindi pinayagan ng Blacklist trio na makapuwesto ang Balmond ni KarlTzy para kumuha ng objectives.

Epektibo rin ang wave cuts at isolation plays ng Esmeralda ni Edward “EDWARD” Dapadap na diniinan ang pressure sa sidelanes para bigyang-daan ang tagumpay sa loob ng 20 minutes.

Screenshot ni Calvin Trilles/ ONE Esports

Hindi na lumingon pabalik ang Blacklist na tinuldukan ang serye sa likod ng Fredrinn ni Wise. Susi ang kaniyang maniobra sa fighter na patuloy na humarap sa teamfights para buksan ang kanilang mga patibong sa paligid ng Lord pit.

Perpetkong 3/0/3 KDA ang ipinako ng jungler para tulungan ang kaniyang team na makabalik sa MPL PH grand finals, at makuha ang tiket sa M4 World Championships.

Screenshot ni Calvin Trilles/ ONE Esports

I-like at i-follow ang ONE Esports sa Facebook para sa pinakahuling balita tungkol sa Mobile Legends.

BASAHIN: Blacklist nanaig kontra BREN sa 5-game thriller, aabante sa UB Finals ng MPL PH S10 Playoffs