Ang Blacklist International ang hihirangin bilang numero unong team sa kongklusyon ng MPL Philippines Season 10 regular season. Ito ay matapos nilang padapain ang kasing-giting na ECHO sa itinadhanang Week 8 Day 4 bakbakan para maipako ang league-best 29 points.
Kinailangan lamang ng koponan ng Tier One ng dalawang laro para iligpit ang Purple Orcas, tampok si Johnmar “OhMyV33NUS” Villaluna na hinawakan ang kaniyang signature Estes sa parehong games para sindihan ang pamatay na UBE Stategy ng kaniyang team.
OhMyV33NUS nagningning para sa Blacklist, pinugo ang ECHO 2-0
Hindi nag-atubili si Coach Kristoffer “BON CHAN” Ricaplaza na isalang ang pamosong Estes ng The Queen na naiwang bukas sa draft sa parehong laro. Dito sumandal ang Blacklist para muli’t-muling dominahin ang early game kontra ECHO.
Bagamat binalak ng Purple Orcas na kuhanin ang early game sa unang mapa, hindi nagawa ng Fanny ni Karl “KarlTzy” Nepomuceno na makuha ang momentum na kinakailangan ng kaniyang assassin hero. Delubyo ang inabot ng ECHO jungler na pinahirapan ng Blacklist na makaselyo ng key objectives, dala ng high sustain lineup tampok ang jungle Barats at roam Estes ng V33Wise.
Kaya naman, hindi pa umabot ng 10 minuto ay kumatok na sila sa base ng kalaban kargado ng 9k gold lead. Sinubukan ng ECHO na sumuntok pabalik sa isang palyadong base push ng BLCK matapos makitil ang Pharsa ni Salic “Hadji” Imam sa ika-12 minuto ngunit ito lamang ang nagtulak sa kanila sa bangin ni hindi na nila naakyat.
Kahit pa buhay pa ang tatlong miyembro ng ECHO ay hindi na nila nagawang depensahan ang naghihingalong base. Pumoste ng perpekong 0/0/8 KDA si OhMyV33NUS sa opener para hiranging MVP of the Game.
Mas naging madikit ang early game sa ikalawang sultada dahil nagawa na ng Purple Orcas na makipagsabayan sa objective-takes. Gayunpaman, unti-unting pinaramdam ng Blacklist ang bangis ng sama-sama nilang rotation pagdako ng midgame na hindi nagawang apulahin ng ECHO.
Maagang nakapondo ang Claude ni Kiel Calvin “OHEB” Soriano dahil sa swabeng positioning at mechanic, gayundin ang desimuladong galaw ng kaniyang teammates na pumalibot sa kaniya sa bawat team fight.
Dumating ang huling paghuhukom sa panig ng ECHO sa ika-16 minuto ng laro kung saan sinubukan nilang manggambala sa Lord take ng kalaban gamit ang isang conceal play. Agad naman itong namataan ng Blacklist na pumosisyon ng maigi bago pagulungin ang counter-attack tampok ang BMI + Blazing Duet ni OHEB na pumunit sa Orcas.
Bumangko ang M3 World Champions sa teamfight win na ito para isarado ang serye sa sumunod na minuto. MVP of the game si OHEB na pumukol ng 2/1/3 at game-winning play.
Dahil sa panalo kontra ECHO, nakuha na ng Blacklist ang solo first sa pagtatapos ng regular season. Epektibo itong magbibigay sa kanila ng kapangyarihang iguhit ang matchups ng 3rd at 4th placers. Samantala, mananatili pa rin sa upper bracket ang ECHO na tatapusin ang kanilang kampanya ng may 27 points.
I-like at i-follow ang ONE Esports Philippines sa Facebook para sa latest sa MPL PH.
BASAHIN: EMANN, RSG PH nanaig; BLCK sigurado pa rin sa upper bracket ng MPL PH S10 playoffs