Ipinakita ng Blacklist International at BREN Esports kung bakit hinirang sila bilang mga kampeon ng M World Series. Ito ay karugtong ng pagpapamalas nila ng ibang-klaseng Mobile Legends play sa naganap na 5-game dikdikan sa upper bracket semifinals ng MPL Philippines Season 10 playoffs.
Blacklist ang nakakuha ng huling halakhak sa likod ng brilyanteng pick-offs para makalamang sa importanteng objective-takes, bagamat tumagal ang laro hanggang 26 minutos. Pinangunahan ni Salic “Hadji” Imam ang atake ng koponan sa decider, kung saan naging epektibo ang Feathered Air Strike ng kaniyang Pharsa para lusawin ang mga miyembro ng BREN namamataan.
Pumukol ng 6/2/5 KDA ang KDA Machine para kuhanin ang dramatikong tagumpay, katuwang ng MVP of the game gantimpala.
Sa post-game interview, hindi itinago ng kapitan ng Blacklist na si Johnmar “OhMyV33NUS” Villaluna ang tikas ng nakasagupang team.
“More than sa ini-expect namin ‘yung pinakita nila kaya sobrang saludo ako sa BREN ngayon. Legit,” pag-aamin ng The Queen.
Dagdag pa niya, “Feeling ko mahihirapan ‘yung mga susunod na makakalaban nila and hopefully hindi na namin sila makatapat ulit.”
Blacklist nilusutan ang BREN, 3-2
Halinhinan ang naganap na bakbakan sa pagitan ng dalawang bigating teams, ngunit natagpuan ng Blacklist ang kanilang mga sarili na naghahabol matapos magapi sa kritikal na game three.
Ito ay matapos isalang ni Rowgien “Owgwen” Unigo ang swabeng Mathilda play upang tulungan ang kaniyang midlane Gusion at gold lane Irithel na makapuntos ng burst-downs, bago lumipad palabas ng team fights. Ni hindi nagalusan si Owgwen gamit ang ninakaw na pick na nagtala ng 0/0/17 KDA statline sa kongklusyon ng laro.
Sa puntong iyon ay kinailangan na ng Tier One manalo ng dalawang sunod kung gusto nilang ipagpatuloy ang kanilang kampanya sa upper bracket. Dito ipinakita ng team ni Kristoffer “BON CHAN” Ricaplaza ang kanilang puso bilang mga kampeon.
Pamatay na kombinasyon ng Faramis at Estes ang tugon nila sa krusyal na game four. Hindi bigo si BON CHAN sa isinalang na draft dahil maaga pa lamang ay kinuyog na ng Blacklist ang mga pambato ng The Hive. Hindi lumampas ng 11-minuto ang itinagal ng BREN sa nasabing laro, kung saan natagpuan nila ang tikas ng The Queen sa kaniyang signature hero na pumukol ng 2/2/12 para sa MVP of the game award.
Hinugot ng Blacklist ang momentum mula sa panalo papunta sa decider. Bagamat palitan ng gold lead ang naganap sa mayorya ng game five ay henyo ang ginawa ng Blacklist sa huling bahagi ng laro.
Muli’t-muling nilang pinitas ang mga nangahas na sumilip sa Lord pit, partikular na si Vincent “Pandora” Unigo (Phoveus) na inasahang frontliner ng BREN. Kung hindi ang Heavy Spin ng Akai ni Danerie “Wise” Del Rosario ang iipit sa kanila ay Shadow Stampede naman ni MomShoes ang hihila sa mga ito para ihain sa Feathered Air Strike ni Hadji para sa pick off.
Malaki rin ang inambag ni Edward “EDWARD.” Dapadap na pumugak sa offlane para diinan ang pressure sa BREN na umaaasang makapag-cocontest sa Lord take.
Sa panalong ito, aangat ang Blacklist sa upper bracket finals kaharap ang ECHO. Samantala, kakalabanin naman ng BREN ang defending champions RSG Philippines sa lower bracket.
I-like at i-follow ang Facebook ng ONE Esports Philippines para sa pinakahuli tungkol sa MPL PH.
BASAHIN: ECHO pumugak, sinipa ang RSG PH sa LB ng MPL PH S10 playoffs