Blacklist International muli ang hihiranging pinakamalakas na koponan sa pinakamalakas na MPL rehiyon sa mundo.

Credit: MPL Philippines

Ito ay matapos nilang patumbahin ang pangahas na ECHO sa anim na laro para makalawit ang ikatlo nilang korona sa apat na season. Bumida sa inantabayanang serye si Edward “EDWARD” Dapadap na nagpamangha gamit ang kaniyang signature heroes na Benedetta at Uranus, bago isarado ang serye hawak ang Paquito.


Blacklist pinataob ang ECHO, 4-2 para makuha ang MPL PH S10 tropeyo

Credit: MPL Philippines

Maagang panggulat ang inihandog ng Blacklist para buksan ang Grand Finals serye ng isalang nila ang Valentina para kay Danerie “Wise” Del Rosario. Pinatunayan lamang nito ang henyo ni Coach Kristoffer “BON CHAN” Ricaplaza, dahil sentro ang jungle mage sa gumulong na 13-5 kill demolisyon, 12 sa mga ito ay kinalahukan ni Wise.

Screenshot ni Calvin Trilles/ ONE Esports

Hinirang na MVP of the game ang Blacklist jungler na may pumukol ng 7/0/5 KDA at halos 60k damage sa larong tumagal lamang ng 15 minuto.

Kung gaano nagningning ang Valentina para sa BLCK sa game one ay gayundin nagpabilib ang roamer Valir para sa hanay ng ECHO. Ito ang naging tugon ng Orcas sa hamon ng kalaban na isinalang ang pambihirang kombinasyon ng Faramis at Estes.

Screenshot ni Calvin Trilles/ ONE Esports

Pinaulanan ni Tristan “Yawi” Cabrera ng Burst Fireball ang nagkumpol-kumpol na miyembro ng BLCK para sa pokes, at sa mga pagkakataong aabante naman ang mga ito ay Searing Torrent namang ang ipambubuwag niya sa initiations. Nakuha ng ECHO ang equalizer sa likod ng kaniyang 1/1/8 para na hiranging MVP of the game.

Sinandalan ni Yawi at ng kaniyang hanay ang game two tagumpay para isalang ang kasing-gilas na game three, sa pagkakataon namang ito ay hawak ang Jawhead. Pulbos ang bawat makukuha ng kaniyang Unstoppable Force + Ejector combo na nagbigay-daan ng 11 sa 19 total kills ng kaniyang team, katuwang ang kalamangan sa serye.

Screenshot ni Calvin Trilles/ ONE Esports

Sa bingit ng posibleng 1-3 bangin, sinikap ng Blacklist na matagpuan ang kinakailangang sagot sa balikat ng Benedetta ni Edward “EDWARD” Dapadap. Hindi binigo ng MPL PH Season 7 MVP ang kaniyang team dahili maigi niyang trinabaho ang EXP lane kontra sa Uranus ni Sanford “Sanford” Vinuya, bago lumahok sa team fights para guluhin ang formation ng Orcas.

Bayani si EDWARD para sa BLCK matapos magtala ng 5/1/8 KDA para tulungan gawing best of 3 ang grand finals serye.

Screenshot ni Calvin Trilles/ ONE Esports

Ipinagpatuloy ng BLCK ang arangkada pagdako ng ikalamang mapa. Muling sumandal ang koponan ni Wise sa kaniyang Valentina na pumitik ng mga krusyal na I Am You plays papunta sa kumpletong 5/2/10 KDA. Kasing-halaga sa 3-2 abante ng koponan ng Tier One ang 8/1/9 ni Salic “Hadji” Imam gamit ang Pharsa.

Screenshot ni Calvin Trilles/ ONE Esports

Hindi na lumingon pabalik ang pambato ng mga Agents na nakipagbabagan simula hanggang dulo, hanggang makuha ang kalamagan sa mid game na nagpagulong ng kanilang kritikal na pick offs. Pamatay na performance muli ang isinalang ni EDWARD hawak ang Paquito na pumukol ng 3/0/5 KDA para hiranging MVP ng laro at ng grand finals.

Screenshot ni Calvin Trilles/ ONE Esports

Sa panalo, makukuha na ng Blacklist ang ikatlo nilang tropeyo sa liga at pupunta sa M4 World Championship na paborito para manalo ng kampeonato.

I-like at i-follow ang ONE Esports Philippines sa Facebook para sa pinakahuli tungkol sa MPL PH.

BASAHIN: Kumpletong listahan ng Hall of Legends inductees na pinarangalan sa MPL PH S10