May rason kung bakit isa sa pinakakinikilalang esports team sa buong mundo ang Blacklist International.

Hindi biro ang mga naabot ng pamosong koponan, ngunit mas nakabibigla ang patuloy nilang pamamayagpag sa local at international pro play. Kamakailan lamang ay naiuwi ng grupo ang ikatlo nilang Mobile Legends: Bang Bang Professional League (MPL-PH) tropeyo, at sa kasalukuyan, umaasa ang koponan ng Tier One na sila ang unang pangkat na makakagawa ng back-to-back M World Series title wins sa kasaysayan.

Credit: ONE Esports

Totoong susi ang kakaibang kalibre at talentong karga ng players na bumubuo sa Blacklist sa kanilang mga tinatamasang tagumpay. Ngunit hindi rin maitatanggi na sa likod nito, ay ang henyo ng pamamalakad ng kanilang General Manager na si Elrasec Ocampo, o mas kilala bilang si Boss Rada.

Sa isang eksklusibong panayam kasama ang ONE Esports Philippines, inihayag ng Blacklist GM kung gaano na lamang kahalaga ang ugnayan ng players at management sa performance ng team sa laro, at kung bakit dapat maging saligan ito sa mga umaasang maging matagumpay din na esports team.


Standard ang ‘Players service’ at ‘Genuine Care’ para maging matagumpay na esports team ang Blacklist ayon kay Boss Rada

Credit: ONE Esports

Sa naturang panayam, ikinuwento ng general manager ang ginamit na standard ng Blacklist management para mayakag ang kanilang koponan sa kinalalagyan nila ngayon, gayundin ang sa paningin niya ay kinakailangang ‘standards’ para maging matagumpay na esports team ngayon.

Aniya, puno’t-dulo ng kaniyang trabaho ang ‘Genuine Care’ sa kaniyang players, na aminado siya na napakahirap buuin at panatilihin. “That is something na sobrang hirap, bakit? Kasi hindi mo ma-paplastic yung genuine care and that is a culture na kailangan i-instill hindi lang sa players, pati sa mga taong nakapaligid sa players. So siyempre di naman perpekto yung mga taong nagseserbisyo sa players.”

Credit: Blacklist International

Inihambing ni Boss Rada ang trabahong ginagawa ng management para sa kanilang players sa trabaho ng isang service crew. “Isipin mo na lang yung… sabihin natin service crew. Nasa fast food ka and then may mga iba diyan na genuinely, proactively, lilinisin yung table mo, lilinisin lahat yan. And… ikaw mismo as a customer you will feel good. “Ay, di ko na kailangan tawagin” or what.”

“Pag nangyari yun, siyempre, darating sa punto na dun mo makukuha yung loob ng tao, loob ng players, and ayun yung makakapag – i-tatake advantage ko na to make sure na magkaroon ka ng bond, kumuha ka ng buy-in sa kanila.”

Palagi raw tinatandaan ni Boss Rada na bukod sa pagiging player, tao muna ang mga miyembro ng team. “Kasi, again, mechanically, they are good. Pero, ano ba yung mga outside- external factors outside game na kailangan mong i-satisfy sa kanila?”

Credit: MPL Philippines

Karugtong nito, isa pang standard na dapat mayroon sa isang esports team ang ‘Player Service’. Ipinaliwanag ng Blacklist GM ang puntong ito saliw ng kaniyang karanasan sa Business Process Outsourcing (BPO) industry.

“Kasi sa BPO customer service, it’s customer satisfaction diba? So dun na papasok yung player satisfaction.If satisfied player mo, there’s no reason for them not to win. If dissatisfied yung player mo because of whatever happened sa management, operations, or kung anumang parte ng esports organizations, dun na papasok yung part na alam mo hindi mananalo yun.”


Credit: ONE Esports

Malaking bahagi din daw kung bakit natatamasa ng kaniyang esports team ang tagumpay ay ang dinamiko niya kasama ang Tier One Entertainment CEO na si Tryke Gutierrez. “Kasi… during my time of, siguro, immersing myself sa esports mismo, parang hindi ko nakikita na kung paano siya i-translate basta basta. Pero, Tryke gave me the liberty to do it.”

Sa pagsisimula daw ni Boss Rada kasama ang Blacklist, malaking bagay daw na binigyan siya ni Tryke ng kalayaang dalhin ang team sa direksyon na sa tingin niya ay nararapat. “I guess it’s the freedom to really do anything eh. Kasi that time naman mali o tama gawin ko, wala pa naman ako matatalo noon eh.”

I-like at i-follow ang ONE Esports Philippines sa Facebook para sa iba pang eksklusibong content.

BASAHIN: Ikinuwento ni Boss Rada kung paano pinalitan si ESON ni Hadji sa main five ng Blacklist International