Sa kongklusyon ng unang bahagi ng MPL PH Season 10 regular season ay nasaksihan ng mga miron ang inaasahang gitgitan at init ng kumpetisyon sa tinagurian na pinakamagaling na MPL rehiyon sa mundo.
Sa apat na linggo ng bakbakan, hindi maitatanggi na may ilang hero picks na partikular na nagpakitang-gilas sa meta play. Sentro ang heroes na ito sa atake ng mga koponan kung kaya’t mataas din ang prayoridad ng mga ito sa drafting.
Katuwang ng mataas na pick rate, maganda rin ang win rate ng heroes na nakapaloob sa listahang. Sinu-sino nga ba sila?
Best hero picks ayon sa pickrate at winrate sa first half ng MPL PH Season 10
Beatrix
Nanatili ang Beatrix bilang isa sa mga top picks sa gold lane ngayong MPL PH Season 10. Base sa datos mula sa MPL, pangalawa ang hero sa listahan ng mga marksman na may pinakamataas na pick rate sa 50%, na sumunod lamang sa Claude na may 56%.
Gayunpaman, malayo ang diperensiya ng Beatrix kontra sa top picked marksman kung sisilipin ang win rates ng mga ito. Sa gumugulong na season, naglista ang Dawnbreak Soldier ng 64.7% win rate kontra sa 47.37% ng Claude. Ibig sabihin, mas maasahan ang hero na ito sa istilo ng atake na nilalaro ng teams sa MPL PH.
Sa loob naman ng laro, dama ang epekto ng Beatrix dahil sa versatility ng kaniyang kit. Sino bang makakalimot sa bangis ng Renners nina Kiel “OHEB” Soriano ng Blacklist at Duane “Kelra” Pillas ng Smart Omega na pumuksa sa mga kalaban sa long range. Hindi rin makakaligtaan ang ilang ulit na pamumulbos ng Wesker ni Eman “EMANN” Sango ng RSG Philippines gamit ang hero.
Wanwan
Kung papapiliin ang pro players ng marksman hero na sa tingin nila ay pasok sa meta play, siguradong lulutang ang Wanwan sa listahan. Hindi kasi maitatanggi ang lakas ng scaling ng hero lalo na kung nabuuan na ito ng kaniyang core items. Kahit pa pinakamakukunat na tanks ay hindi uubra sa abilidad ng hero na tumunaw ng HP bars.
Ito rin ang makikita kung pagbabasihan ang stats mula sa MPL Philippines Season 10. Mataas ang ban rate ng hero sa 56% (5th most banned hero) na malayo sa ban rates ng kapwa meta marksmen na Claude at Beatrix. Sinasabi lamang nito na may sindak na dala ang Agile Tiger sa loob ng Land of Dawn.
Sa mga pagkakataon namang nakakawala sa draft ang hero ay peligro ang dala nito sa kalabang team. Ayon pa rin sa stats ng liga, nagtala ang hero ng 59.26% win rate. Kung patuloy itong mahahawakan ng high-tier Wanwan users tulad ni Benny “Bennyqt” Gonzales ng ECHO at Marius “DONUT” Tan ng Nexplay EVOS ay siguradong mas tataas pa ang numerong ito.
Julian
Isa ang Julian sa pinakabagong adisyon sa hero pool ng Mobile Legends, ngunit pinaparamdam ng mga humahawak dito ang tunay na bangis ng mage/fighter. Kahit pa pang-siyam ang hero sa most banned heroes sa MPL PH Season 10, nagagawan pa rin ng mga koponan na buksan ang hero sa drafting.
Dahil isang flexible pick ang hero, madalas na opsyon ng teams ang karakter para buksan ang kanilang draft. Ngunit hindi lamang pang-lito sa kalaban ang nagagawa ng Julian sa laro. Bukod-tangi kasi ang skillset ng hero kung kaya’t kaya niyang tumao sa midlane o di kaya naman ay ilagay sa jungler role para sa objectives at early kills dala ng early game power spike.
Kaya naman, hindi na kagulat-gulat kung bakit mataas din ang win rate ng mage sa 55.17%. Mas makikita ang ambag ng hero sa laro kung papanoorin ang galaw ni Jonard “Demonkite” Caranto ng RSG PH sa jungle. Bilang midlaner naman, hindi maikakaila ang kakaibang lakas ng hero sa kamay ni Kiel VJ “Kielvj” Hernandez ng Smart Omega.
Sundan ang ONE Esports Philippines sa Facebook para sa piyesa tungkol sa MPL PH Season 10.
BASAHIN: Paano gamitin ang Benedetta sa Mobile Legends: Best build, skills, emblem at combo