Kung tatanungin kung sino ang best Fanny sa MPL Indonesia Season 10, hindi malayo na mayorya ng itutugon ay ang ONIC Esports jungler na si Kairi “Kairi” Rayosdelsol. Ngunit kung pagbabasihan ang KDA ratio na nakuha sa nakalipas na season, may isang player na mas nakakaangat sa Filipino import ng Yellow Hedgehog team.
Sa gumulong na season, maraming players ang nagkaroon ng tiyansang ipakita ang kanilang gilas gamit ang assassin hero. Dahil batid ng lahat ang kinakailangang mechanics at decision-making kapag hinawakan ang karakter ay naaaliw ang fans sa mga pagkakataong napapagana ito ng pro players.
Siyam na manlalaro ang nakahawak sa Fanny sa regular season base sa pinakahuling tala ng MPL ID, at sa mga ito ay si Celiboy ang nagkaroon ng pinakamaraming game time matapos hawakan ito ng apat na beses.
Sa unang tingin, si Kairi ang talagang mapupusuan bilang best Fanny sa MPL ID dahil panay highlights ang inihahandog ng ONIC Esports pro tuwing mahahawakan ito, bagamat hindi palaging nagreresulta sa panalo para sa kaniyang team.
Gayunpaman, isa sa mga basehan para malaman kung gaano kaepektibo ang pro players sa heroes ang kanilang KDA ratio. Sa larangang ito, hindi si Kairi ang best Fanny user kundi ang kapwa Pinoy import at Geek Fam ID jungler na si Jaymark “Janaaqt” Lazaro.
KDA ng Fanny ni Jannaqt angat kontra kay Kairi sa MPL ID S10 regular season
Sa naganap na regular season, nagkaroon ng tatlong pagkakataon si Janaaqt na ipakita ang kaniyang mastery gamit ang Fanny. Dalawa sa mga ito ay nagresulta ng panalo para sa kaniyang team, na parehong nanggaling ng kalabanin nila ang Alter Ego sa Week 5.
Samantala, galing naman sa laban kontra ONIC Esports ang nag-iisang talo ng Fanny ni Janaaqt sa Week 8. Sa larong ito, kamuntikan na magulantang ng dating ECHO pro ang ONIC matapos subukan ang five-on-one play para sa hinahangad na wipeout.
Kung susumahin, ibang-lebel ang KDA ratio ni Janaaqt gamit ang hero matapos pumalo ng total KDA na 19/3/9 para sa 9.3 KDA ratio. Lamang ito sa 21/5/15 at 7.2 KDA ratio ni Kairi na hinawakan ang hero ng tatlo ring pagkakataon.
Malayo ang pagitan ng dalawang Pinoy junglers sa sumunod na si Tazz na pumukol naman ng 10/4/10 KDA para sa KDA ratio na 5.
Bagamat hind isa KDA ratio ang iisang basehan para malaman ang kalibre ng player sa isang hero ay maganda itong pasilip sa kung gaano ka-epektibo ang pro player. At sa usaping ito, dalawang Pinoy ang nanaig.
Sundan ang pinakahuling balita tungkol sa Mobile Legends sa pamamagitan ng pag-like at pag-follow sa ONE Esports Philippines sa Facebook.
BASAHIN: Vyn at Kyy nanguna sa assists sa MPL ID Season 10, Baloyskie pasok sa top 5